Ali Tambako ng JIM nadakip sa GenSan

ali tambako

JIM leader Mohammad Ali Tambako Photo from: www.islammagz.com

Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang lider ng Justice for Islamic Movement (JIM) na si Mohammad Ali Tambako.

Nahuli si Tambako ng mga awtoridad bandang 9:00 ng gabi kagabi sa Brgy. Calumpang, General Santos City.

Kasamang nadakip ni Tambako ang lima nitong kasamahan.

Ang JIM ay sinasabing breakaway group naman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Dinakip si Tambako at ang kanyang grupo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Cotabato City Regional Trial Court Branch 15 Judge George Jabido para sa kasong murder at frustrated murder.

Nakuha sa grupo ni Tambako ang isang granda at mga baril.

Sa ngayon ay idinala na sa General Santos City airport si Tambako at nakatakdang ilipad patungo sa Maynila.

Patungong paliparan ay bantay sarado ang naging paghahatid ng mga awtoridad kay Tambako kung saan isinakay pa ito sa isang simba tank.

Bukod sa mga kasong nakasampa sa korte, si Tambako rin ang pinaniniwalaang nagkakanlong sa teroristang si Basit Usman na responsable sa napakaraming serye ng pambobomba sa Mindanao.

Si Usman ay sinasabing nakataas noong Enero 25 matapos ang operasyong inilunsad ng PNP Special Action Force na ikinamatay ng teroristang si Zulkifli Bin Hir o Marwan at 44 na miyembro ng kapulisan.-DCR

Advertisements