TRO inilabas: Petisyon ni Mayor Junjun Binay pinaboran ng CA

junjun binay

Makati Mayor Junjun Binay Image from Facebook

Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals 6th Division pabor sa petisyong inihain ng kampo ng nasuspindeng si Makati City Mayor Junjun Binay.

Inilabas ng CA ang desisyon sa pamumuno ni presiding justice Jose Reyes Tatagal ng 60 araw ang TRO na inilabas ng korte pabor sa petisyong inihain ng kampo ni Binay na pumipigil sa suspensyong inihain laban dito ng Ombudsman.

Kasabay nito ay itinakda ng korte ang oral arguments para sa petisyong inihain ni Binay sa Marso 30 at 31.

Pinagbabayad din ng korte si Binay ng P500,000 bilang bond. Bukod dito ay pinagkokomento rin ng CA ang Ombudsman hinggil sa petisyon ng alkalde.

Bago ang paglalabas ng desisyon ng korte ay una ng sinabi ni Makati acting mayor Kid Peña na bababa ito sa pwesto sakaling ipag-utos o kung magpalabas ng TRO ang korte pabor sa mga Binay.

Kaninang umaga ay nanumpa na bilang pansamantalang alkalde ng Makati si Peñas at nakatakda na sanang maglibot sa mga barangay sa lungsod ngayong hapon.

Hanggang sa ngayon ay  nasa kanyang tanggapan sa Makati City Hall si Binay at nananatiling bantay sarado ng kanyang mga tagasuporta.

Si Binay ay una ng pinatawan ng anim na buwang suspensyon ng Ombudsman dahil sa pagkakadawit sa anomalya sa Makati City Parking Building na nagkakahalaga ng P11.97 milyong piso.-DCR

Advertisements