“Tama na, sobra na! Noynoy, resign na!” – Nora Aunor

Nora

Philippine cinema superstar Nora Aunor Image courtesy of Migrante

“Tama na, sobra na! Noynoy, resign na!”

Ito ang matapang na panawagan ng premyadong aktres at Philippine movie superstar Nora Aunor matapos ang pagsama sa martsang inorganisa ng grupong Migrante ngayong araw para sa ika-20 anibersaryo ng kamatayan ng OFW na si Flor Contemplacion.

Kasabay nito ay tahasan ng binatikos ni Aunor ang polisiya ng gobyernong Aquino para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

“Ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment, pang-aabuso, pangmamaltrato, pangongotong, rape at sexual harassment, pang-aalipin, pagpatay, crackdown, diskriminasyon, kalamidad at krisis sa ibang bansa. Lalong dumami, milyun-milyon, ang mga nabiktima sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino. Karamihan sa kanila ay napipilitang lumabas ng bansa sa paraang ligal man o ligal, at nakararanas ng mapagsamantalang mga kundisyon sa labas ng bansa,” pahayag pa ni Aunor.

Kasunod nito ay kinwestyon din ni Aunor ang ‘Tuwid na Daan’ ni PNoy at tinawag ito bilang isang hungkag at isang ilusyon lamang. Aniya, hindi na maaasahan pang magpapatupad ng matinong mga programa para sa mga OFW ang Pangulo.

Sa huli tinawag din ng Superstar bilang papet ang Pangulo bukod pa sa pagiging pahirap at pahamak umano nito sa mga migranteng Pilipino.

Ang naturang talumpati ang maituturing na isa sa pinakamatapang na pahayag ni Aunor laban kay PNoy simula ng umugong ang kontrobersya matapos hindi mapasama ang aktres sa listahan ng mga national artist na inilabas ng Palasyo.

Sa kabila nito ay nilinaw ni Aunor na walang kinalaman ang isyu sa panawagan niya laban sa Pangulo ngayong araw.

“Tama na, sobra na! Noynoy, resign na! Umalis ka na diyan! Ito po ang gusto ko at gusto nating lahat,” pagtatapos ni Aunor.-DCR

Advertisements