SAF commandos pinalibutan at pinaalis ng mga MILF sa Ampatuan, Maguindanao

MILF

Image courtesy of politics.com.ph

Napilitang lisanin ng mga miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) at hindi na itinuloy ng mga ito ang kanilang misyon sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao matapos mapalibutan ng hindi mabilang na mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa ulat na inilabas ng Interaksyon.com, ikinasa umano ang operasyon noong nakaraang Miyerkules ng umaga gamit ang prinsipyo ng ‘time on target’ ng mga miyembro ng SAF dahil sa impormasyong naroon ang teroristang sina Basit Usman at Malaysian terrorist Amin Baco alyas Jihad.

Lumalabas na tila walang koordinasyon ang naturang operasyon kung kaya hinarang ng mga miyembro ng MILF ang mga miyembro ng SAF.

Ayon sa source ng Interaksyon, nabatid na mga miyembro ng MILF mula sa 106th Base Command ang humarang at pumalibot sa mga miyembro ng SAF matapos pasukin ng mga pulis ang kanilang teritoryo.

Sinabi pa ng source na wala namang naganap na engkwentro.

Matapos mapalibutan ang mga SAF commando ay sinabihan umano ang mga ito ng mga miyembro ng MILF na itaas nila ang mga kamay at lisanin na lamang ang lugar kung ayaw ng mga ito na sila ay mabaril.

Sinabi naman ni Philippine Army 6th Infantry Division Spokesman Jo-ann Petinglay na nakarating umano sa kanila ang naturang impormasyon subalit patuloy ang kanilang beripikasyon hinggil sa katotohanan sa likod ng insidente.

Hanggang sa ngayon naman ay wala pa ring kumpirmasyon o pahayag mula sa PNP hinggil sa nasabing pangyayari.

Matatandaan na halos dalawang buwan pa lamang ang nakakaraan mula ng mapatay ang 44 na miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao matapos pasukin ang Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi rin ng teroristang si Marwan.-DCR

Advertisements