Hindi umano totoong nag-collapse: PNoy siniguradong maayos ang kanyang kalusugan

PNoy

PNoy visits a wounded soldier in V. Luna Hospital in Quezon City after a recent encounter in Maguindanao. Photo courtesy of Noynoy Aquino Facebook

Nananatiling nasa maayos ang kalusugan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ito ay sa kabila ng mga naglabasang ulat na siya ay hinimatay umano noong Biyernes ng gabi.

Sa balitang mula sa The Philippine Star, mismong si PNoy ang nanigurado sa kanila na nasa maayos ang kalusugan nito sa pamamagitan ng isang phone interview.

Ayon sa Pangulo, halos kada linggo ay personal itong nakikipagkita sa kanyang doktor para sa checkup.

Sinabi ni PNoy na bukod sa paminsan minsang pagdanas ng hyperacidity dahil sa pagkain ng hindi tama sa oras bunsod ng maraming gawain ay nananatiling maayos ang kalagayan nito.

Una ng pinabulaanan kahapon ni Presidential Spokesman Sec. Edwin Lacierda na hindi totoo ang balitang nag-collapse si PNoy.

Kinansela naman kahapon ng Malacañang ang nakatakda sanang pagharap ng personal ni PNoy sa midya.

Una ng pinasabihan kahapon ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps. (MPC) para sa pagdalaw ng Pangulo sa New Executive Building na itinakda bandang 2:00 ng hapon.

Sa kabila nito ay sinabihan din ang midya na hindi na matutuloy ang pagtungo ni PNoy.

Ayon naman sa Philippine Daily Inquirer, base sa panayam nila kay Media Accreditation and Relations Office (Maro) director Jo Paulo Espiritu, sinabi nitong hindi na itinuloy ng Malacañang ang aktibidad doon ng Pangulo makaraang malaman na hindi umano makakarating ang ilang miyembro ng MPC dahil sa short notice na ibinigay ng Palasyo.-DCR

Advertisements