MAMASAPANO ENCOUNTER MUNTIK MAULIT: Video ng pagharang sa PNP sa Maguindanao kumakalat

photo 1

Screenshot: Officials from Local Monitoring Team (LMT) talk to PNP personnel after they entered the area controlled by MILF 106th Base Command in Maguindanao.

Kumakalat ngayon ang video kung saan muntikan na namang magkasagupa ang mga miyembro ng PNP at MILF matapos pasukin ng mga pulis ang isang ruta sa Maguindanao na sakop ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 106th Base Command.

Sa video ay makikita na namagitan ang mga lalaking nakasuot ng kulay asul na chaleco na may nakasulat na LMT. 

Napag-alaman na ang mga ito pala ay miyembro ng Local Monitoring Team.  Kita sa video ang apat na sasakyan ng pulis kabilang na ang isang truck na pansamantalang tumigil sa isang malubak na daanan habang kinakausap ng kanilang mga lider ang mga miyembro ng LMT. 

Ayon sa impormasyon kalakip ng video na ipinaskil ni Eve Demata, tila napadaan lamang sa lugar ang mga pulis para sa isang imbestigasyon at hindi nila alam na ang lugar ay kontrolado ng  MILF.

Matapos ang ilang minutong pag-uusap at pagtuturo ng mga miyembro ng LMT kung paano makakalabas ang mga pulis ay mapapansin na napakalapit lamang sa lugar ng mga nakapwestong miyembro ng MILF na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Makikita rin sa video ang ilang kalalakihang nakamotor na kasama sa pagharang sa mga pulis at sinasabing ang mga ito umano ay asset din ng MILF.

Mula sa lugar kung saan naharang ang mga pulis ay makikita ang napakaraming puno na pinagtataguan ng mga miyembro ng MILF. 

Sa post ni Demata ay sinasabing naganap ang insidente noong March 14 sa Dinampao, Sultan Kudarat, Maguindanao.

ISTORYA NG PAGHARANG

Sa ulat ng The Manila Journo noong March 20 ay lumalabas na hinarang ng mga miyembro ng MILF 106th Base Command ang mga miyembro ng PNP-Special Action Force na pumunta sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng koordinasyon.

Ang impormasyon ay batay sa ulat ng Interaksyon.com kung saan ikinasa umano ang operasyon noong Marso 19 ng umaga gamit ang prinsipyo ng ‘time on target’ ng mga miyembro ng SAF dahil sa impormasyong naroon ang teroristang sina Basit Usman at Malaysian terrorist Amin Baco alyas Jihad.

Ayon sa source ng Interaksyon, nabatid na mga miyembro ng MILF mula sa 106th Base Command ang humarang at pumalibot sa mga miyembro ng SAF matapos pasukin ng mga pulis ang kanilang teritoryo.

Sinabi pa ng source na wala namang naganap na engkwentro. Matapos mapalibutan ang mga SAF commando ay sinabihan umano ang mga ito ng mga miyembro ng MILF na itaas nila ang mga kamay at lisanin na lamang ang lugar kung ayaw ng mga ito na sila ay mabaril.

KAUGNAYAN NG VIDEO

Mula ng pumutok ang naturang istorya hanggang sa ngayon ay hindi pa kinukumpirma ng pamunuan ng PNP kung naganap nga ang insidente.

Sinabi rin ni Philippine Army 6th Infantry Division Spokesman Jo-ann Petinglay na nakarating umano sa kanila ang naturang impormasyon subalit patuloy ang kanilang beripikasyon hinggil sa katotohanan nito.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ang video at ang una ng napabalitang pagharang sa mga miyembro ng PNP-SAF ay iisa.  Magugunita na noong Enero 25 ay 44 na miyembro ng SAF ang napatay matapos pasukin ng mga ito ang mga barangay ng Tukanalipao at Pedsandawan sa Mamasapano, Maguindanao.

Bukod sa mga pulis ay napatay sa madugong operasyon ang teroristang si Marwan.

Dahil kawalan ng koordinasyon ay napasabak sa bakbakan laban sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter, private armed groups at MILF ang mga miyembro ng SAF. Bukod naman sa kawalan ng koordinasyon ay hindi naman agad na nakatulong ang Armed Forces of the Philippines sa SAF dahil sa umiiral na ceasefire nito sa MILF.-DCR

Advertisements