Army officers pinainom at pinakain ng PNP intel bago ang Mamasapano operation

Trillanes

Sen. Antonio Trillanes IV Image from: Facebook

Pinainom at pinakain umano sa labas ng isang PNP intelligence officer ang ilang commander ng Philippine Army sa Maguindanao bago ang Mamasapano operation noong Enero 25. Ito ang ibinunyag ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Isiniwalat ni Trillanes ang impormasyon ilang linggo matapos maglabas ng resulta ng kanilang imbestigasyon ang PNP-Board of Inquiry (BOI) at ang Senado hinggil sa madugong engkwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF), mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ilang sibilyan.

Ayon kay Trillanes, niyaya sa isang inuman at kainan ng hindi pa pinangalang intelligence officer ng PNP ang mga Army commander sa Maguindanao noong gabi bago ikasa ang operasyon sa Mamasapano.

Sinabi ng senador na layon nito na mapulsuhan ng intel officer kung may operasyon ang militar sa lugar at upang masolo ng SAF ang gagawing paglusob sa kuta ng teroristang sina Marwan at Basit Usman.

Sinabi ng senador na hindi lumabas ang naturang impormasyon sa report ng Senado bagama’t nabanggit ang mga ito sa ginawa nilang executive session.

Ang mga ibinunyag naman ni Trillanes ay tila kinumpirma ni Department of National Defense Sec. Voltaire Gazmin.

Ayon sa kalihim, umabot nga sa kanila ang balita na inimbitahan ng ilang pulis sina 45th IB commander Lt. Col. Romeo Bautista at 601st Brigade commander Col. Melquiades Feliciano sa Koronadal City noong gabi ng Enero 24 para sa isang hapunan.

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippine Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang na pinaiimbestigahan nila ang katotohanan sa likod ng mga ibinunyag ni Trillanes.

Sa panayam naman ng DZMM Teleradyo kaninang umaga kay PNP Public Information Office C/Supt. Generoso Cerbo ay sinabi nitong handa ang PNP na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa isiniwalat ng senador.

Niliwanag din ni Trillanes na hindi miyembro ng SAF ang nag-imbitang opisyal sa mga miyembro ng Philippine Army kundi isang intelligence officer ng PNP na mayroon ding alam sa ikinasang operasyon sa Mamasapano.-DCR

Advertisements