ENGKWENTRO KASALANAN NG PNP: Aksyon ng BIAF laban sa SAF makatwiran ayon sa MILF report

q2

Aerial shot of Mamasapano encounter site

Makatwiran umano ang naging aksyon ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa naganap na engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF).

Ito ang nilalaman ng 35 pahinang report na ginawa ng Special Investigation Committee (SIC) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isinumite nila sa Malaysia at sa Senado.

Ang BIAF ang  armed wing ng Moro Islamic Liberation Front MILF. 

Lumabas sa ginawang imbestigasyon ng MILF na sila ang unang pinaputukan ng mga miyembro ng SAF.

“The BIAF members were justified in fighting back after it was fired upon by the PNP-SAF (Philippine National Police-Special Action Force) in Tukanalipao. Without prior coordination, the BIAF did not know that the forces in Sitio Amilil were government forces with whom there is a holding ceasefire agreement,” ayon pa sa report. 

Tinukoy din sa ulat na ang nakalabang pwersa ng SAF ay mula sa 118th Base Command at 105th Base Command ng MILF.

Ayon sa ulat ng MILF, walang ibang dapat sisihin sa pangyayari kundi ang mismong SAF dahil sa kawalan nito ng koordinasyon sa kanila.

q1

Screenshot from the video showing the killing of SAF member during the Mamasapano encounter

“While the BIAF could not clearly see whom they were fighting against, they concluded these were not friendly forces as they had initiated the first shots shots that were fatal to two of their men.”

“When they were fired upon in the wooden bridge of Tukanalipao, the BIAF could not have done anything else but to fire back as two of their men were instantly killed in the assault of the PNP-SAF men,” pahayag pa sa report. 

Dahil dito sinabi ng MILF sa kanilang imbestigasyon na mayroong apat na “undisputed facts” sa naganap na engkwentro sa Mamasapano.

Una rito ay ang hindi pagkikipag-coordinate ng SAF sa MILF ng pasukin nila ang Brgy. Tukanalipao. Partikular na nakipag-ugnayan dapat ang SAF sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH)  at sa Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) upang naiwasan ang bakbakan.

Hindi rin umano alam ng mga miyembro ng BIAF na nakatira sa Tukanalipao na mayroong operasyon sa kanilang lugar noong Enero 25.

Ayon pa sa imbestigasyon, ang MILF CCCH ang siyang unang nagsabi sa kanilang mga counterpart sa gobyerno  tungkol sa madugong insidente.

Batay pa sa report, ang MILF CCCH din ang nagbigay ng suhestyon sa kanilang mga kausap sa gobyerno na magtungo na lugar ng engkwentro upang epektibong maipatupad ang tigil putukan.

Nanindigan din ang MILF na hindi nila kinakanlong ang napatay na teroristang si Marwan at ang patuloy na hinahanap na si Basit Usman.

Sinabi pa ng MILF na mananagot sa sarili nilang mga patakaran ang 105th Base Command at 118th Base Command dahil sa kawalan nito ng kaalaman tungkol sa pamamalagi ng nasabing mga terorista sa kanilang teritoryo.

Sa kabila nito nilinaw ng MILF na hindi pwedeng managot sa batas ng Pilipinas ang kanilang mga pwersa nasa ilalim ng nasabing mga pangkat.-DCR

Advertisements