PNP intel na nagpainom sa mga Army officer bago ang Mamasapano operation tauhan ni Purisima

purisima

Resigned PNP Chief Gen. Alan Purisima and President Benigno Aquino III

Tauhan umano ng nag-resign na si dating PNP Chief Gen. Alan Purisima ang sinasabing intelligence officer na nagpakain at nagpainom sa mga opisyal ng Philippine Army noong gabi bago ilunsad ang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

Ang impormasyon ay nanggaling sa isa sa mga sundalong kasama sa pakain na ginanap noong gabi ng Enero 24.

Sa ulat sa DZMM Teleradyo ay nabatid na naganap ang pakain sa Del Rio Splash Resort sa Koronadal City, South Cotabato.

Ayon sa source ng DZMM, kabliang sa PNP Intelligence Group at pinuno ng Special Project Mindanao Khilafa Islamiyah sa ilalim ng pamumuno ni Purisima ang opisyal na nagpasalu-salo sa kanila sa Cotabato.

Nagsimula umano ang salu-salo bandang 7:00 ng gabi at natapos ng 11:00 ng hatinggabi.

Una ng isiniwalat ni Sen. Antonio Trillanes IV ang tungkol sa umano’y pagpapakain at pagpapainom ng PNP intel officer ng sa mga opisyal ng militar sa Maguindanao.

Ayon sa senador, ginawa ng intel officer ang hakbang upang malaman kung may nakatakda bang operasyon ang militar sa lugar at upang  masolo ng Special Action Force ang operasyon nila sa kuta ng mga teroristang sina Marwan at Basit Usman.

Ayon naman kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, naganap ang hapunan sa Koronadal City kung saan kasama doon sina 45th IB commander Lt. Col. Romeo Bautista at 601st Brigade commander Col. Melquiades Feliciano.-DCR

Advertisements