Grace Poe pinapurihan ang pagbibigay ng Mamasapano MILF report sa Senado

Poe

Sen. Grace Poe Image courtesy of Grace Poe Facebook

Pinapurihan ni Sen. Grace Poe ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil sa pagbibigay nito ng kopya ng kanilang imbestigasyon sa Senado tungkol madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.

“I commend the MILF leadership for completing their investigation on the Mamasapano incident without further delay, and furnishing the Senate with a copy of the report,” ayon pa sa senador. 

Ang report ng MILF ay ginawa ng ng kanilang special investigative committee na binubuo ng limang miyembro sa pangunguna ni Ustadz  Said Abdulsalam.

Sa kabila nito ay nanindigan si Poe sa resulta ng imbestigasyon na ginawa ng Senado hinggil sa Mamasapano encounter.

Ayon sa senador, bibigyan niya ng konsiderasyon ang mga amendments sa ulat na inilabas ng kanyang komite sa pagpapatuloy ng kanilang sesyon sa Mayo.

“What is important is that all of us continue on our pursuit of the truth and not to waver on our quest for genuine peace in Mindanao,” pahayag pa ni Poe.

Pag-uusapan din umano ng dalawang komite ng Senado kung paano nila magagamit at ituturing ang report na inilabas ng MILF lalo na sa mga resultang kaiba kaysa sa ginawa nilang imbestigasyon.

Sinabi ni Poe na nauunawaan niya ang magkaibang pananaw sa naganap na insidente lalo na at magkakaibang testigo ang nakausap ng Senado at ng mga nag-imbestiga para sa panig ng MILF.

Dahil dito ay nanawagan ang senador sa Department of Justice na tapusin sa lalong mabilis na panahon ang kanilang imbestigasyon sa Mamasapano encounter at panagutin ang mga responsable sa naturang pangyayari.-DCR

Advertisements