PNP intel officer itinangging nilasing ang mga Army commander noong bisperas ng Mamasapano encounter

PNP

Image courtesy of Philippine National Police

Itinanggi ng isang opisyal ng PNP ang napabalitang paglasing umano nito sa ilang commander ng Philippine Army sa Maguindanao noong gabi bago ilunsad ang Oplan Exodus sa Mamasapano.

Nagpaliwanag na si Senior Superintendent Manolo Ozaeta, pinuno Special Project for Mindanao sa kanyang mga opisyal matapos na masangkot sa isyu ng panlalasing sa mga miyembro ng Philippine Army upang masolo ng Special Action Force (SAF) ang operasyon sa Mamasapano.

Sa paliwanag ni Ozaeta kinumpirma nito na nagkaroon ng isang salu salo na tumagal ng dalawa’t kalahating oras at ito ay ginawa sa Del Rio’s Splash Resort sa Koronadal City noong gabi ng Enero 24.

Ayon kay Ozaeta, isang “boodlefight” dinner ang naganap na dinaluhan ng mga pulis at sundalo mula sa SOCCSKSARGEN kabilang na ang ilang opisyal partikular mula sa 601st Brigade ng Army.

Paliwanag ng opisyal, ang hapunan noong Enero 24 ay nagmula sa mabuting intensyon at bunga ng mga nagdaang matatagumpay na operasyon ng PNP at Army 601st Brigade.

Kinumpirma din niya na noong pang isang taon itinakda ang nasabing salu-salo ngunit nausog noong Enero 24 sa suhestyon na rin ng kanilang mga counterpart sa Army upang ang lahat ng inimbitahan ay makadalo dahil ito ay weekend.

Sinabi rin ng opisyal na kung meron man na mga nakakalasing na inuming inihanda noong gabi ng Enero 24 ay normal lamang ito na isinisilbi kapag nagkakaroon ng isang pagtitipon.

Nanindigan si Ozaeta na nagkataon lamang na ang nasabing hapunan ay nangyari ilang oras bago ilunsad ng SAF ang Oplan Exodus na target ang teroristang sina Marwan at Basit Usman.

Una ng ibinulgar ni Sen. Antonio Trillanes IV ang impormasyon na pinakain umano at nilasing ng isang PNP intelligence officer ang ilang commander ng Army.

Ayon sa senador, ginawa ito ng intel officer upang mapulsuhan kung may operation ang Army sa Maguindanao at upang masolo ng SAF ang ikinasa nitong paglusob sa kuta nila Marwan at Usman.

Kinumpirma na rin ni Defense Secretary Gazmin na nakarating sa kanila ang naturang ulat habang sinabi naman ni Armed Forces Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang na pinaiimbestigahan na nila ang nasabing pangyayari.-DCR

Advertisements