Bagyong Chedeng humina matapos pumasok sa PAR

Chedeng

Image courtesy of PAGASA

Patuloy na humihina ang bagyong Chedeng (Maysak) matapos itong pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) kagabi.

Sa briefing ng PAGASA kanina sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), namataan ang bagyo kaninang alas 10 ng umaga sa layong 915 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Borongan, Eastern Samar o 995 kilometro sa silangan ng Catarman.

Taglay ni Chedeng ang lakas ng hangin na umaabot sa 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may bugsong umaabot hanggang 210 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo sa pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.

Inaasahan na tatama sa lupa ang bagyo sa hatinggabi ng Sabado (April 4) o madaling araw ng Linggo (April 5). 

Ngayong hapon naman ay inaasahan na magtataas na rin ng storm warning signal ang PAGASA sa Bicol Region, Samar, Aurora at Quezon.

Patuloy namang pinaghahanda ng NDRRMC ang mga residente at turista sa mga lalawigang dadaanan ng bagyo na maging handa at sumunod sa mga utos na ipatutupad ng mga lokal na pamahalaan upang makaiwas sa anumang sakuna habang nasa loob pa ng bansa ang bagyong Chedeng.-DCR

Advertisements