Marwan kumpirmadong napatay sa Mamasapano ayon sa FBI

marwan

Jemaah Islamiyah member Zulkifli bin Hir alias Marwan

Kinumpirma na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na patay na ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Ang kumpirmasyon ng FBI ay inilabas mahigit dalawang buwan matapos ang madugong Mamasapano encounter na ikinamatay din ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force, mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga sibilyan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Sa ulat ng Reuters, nakumpirma ang pagkasawi ni Marwan sa operasyon ng SAF dahil sa DNA test na ginawa sa pinutol na daliri nito. Ang daliri ni Marwan ay idinala sa Estados Unidos ay doon ito sinuri ng FBI kung saan tumugma ang DNA nito sa DNA ng kanyang kapatid.

Sa pahayag ni David Bowdich, assistant director in charge ng FBI Los Angeles Field office sinabi nito na binura na nila sa listahan ang  Most Wanted Terrorist si Marwan matapos itong mapatay.

Binati rin ng FBI ang PNP kasunod ng pagkakapatay nito sa nasabing terorista. 

Muli ring nagpaabot ng pakikiramay ang FBI sa pambansang pulisya dahil sa pagkasawi ng SAF 44 matapos ang operasyon laban kay Marwan.

“Once again, the men and women of the FBI express sincere condolences to the brave officers of the Special Action Force who lost their lives while attempting to apprehend this dangerous fugitive,” pahayag pa ni Bowdich. 

Napatay sa nasabing operasyon ang 44 na SAF commandos matapos nitong makasagupa ang mga miyembro ng MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at mga miyembro ng private armed groups sa Maguindanao.-DCR

Advertisements