Mga mangingisdang Pinoy binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa Panatag Shoal

China ship

Chinese Coast Guard ships sprays water against Vietnamese vessel Image from: Kickerdaily.com

Muling ipinatikim ng China ang kalupitan nito sa mga mangingisdang Pilipino matapos nitong bombahin na naman ng tubig ang mga mangingisda sa karagatang sakop ng bansa sa bahagi ng Bajo de Masinloc (Panatag Shoal).

Naganap umano ang pambu-bully ng China noong April 9 bandang 2:00 ng hapon.

Sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, nabatid na isang mangingisda ang nasaktan sa insidente matapos itong malaglag sakanyang bangka habang binobomba ng tubig mula sa barko ng Chinese Coast Guard.

Sa isang salaysay naman ng mangingisdang si Jun Rey Barrios sinabi nitong noong April 11 ay hinabol naman sila ng ilang tauhan ng Chinese Coast Guard.

Ayon kay Barrios, may bitbit na mga baril ang mga Tsino at nakatutok sa kanila. Kinuha rin umano ng mga ito ang mga nahuli nilang isda bago pinutol ang tali ng kanilang mga bangka.

Sa hiwalay na ulat naman mula sa GMA-7 24 Oras, ay kitang kita sa video ang ginawang pagbomba ng tubig ng mga Tsino sa mga bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Panatag Shoal.

“Yung isang kasamahan namin doon ang binanatan talaga. Kawawa ‘yung isa, mayroon tumalsik… Umalis na lang kami,” pahayag pa ng mangingisdang si Rey Montehermozo sa panayam ng GMA-7.

Ang insidente ay kinumpirma na din ng Malacañang at ng Philippine Coast Guard.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinaalis at binugahan ng tubig mula sa Chinese Coast Guard ship ang mga mangingisdang Pinoy sa naturang lugar.

Noong Enero 29 naman ay binangga ng Chinese Coast Guard ship 3412 ang tatlong bangkang pangisda ng mga Pilipino dahilan para maghain ang gobyerno ng protesta laban sa China.-DCR

Advertisements