Customs commissioner Sevilla nagbitiw sa pwesto

Sevilla

Resigned Customs Commissioner John Phillip Sevilla Photo from Wall Street Journal

Nagbitiw na sa kanyang pwesto si Bureau of Customs (BOC) Commissioner John Phillip Sevilla.

Inianunsyo ni Sevilla ang pagbibitiw sa isang press conference ngayong araw.

Ayon kay Sevilla, matinding pulitika sa loob ng kawanihan ang dahilan ng kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Naganap ang resignation ni Sevilla isang araw matapos nitong ipahayag na hindi niya papayagang maging gatasan para sa nalalapit na 2016 Elections ang BOC.

Malugod namang tinanggap ng Malacañang at ng Department of Finance ang pag-alis sa pwesto ni Sevilla.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Finance Sec. Cesar Purisima si Sevilla sa serbisyo nito sa Customs sa loob ng isang taon at apat na buwan.

Ayon kay Sevilla, hindi nagsisinungaling ang mga numero at makikita naman na napataas ni Sevilla ang koleksyon ng kawanihan ng may 21 porsyento.

“I thank Commissioner Sunny Sevilla for his dedicated service and relentless pursuit of good governance in the Bureau of Customs. The numbers do not lie: as head of the Customs Reform Team, he has helped grow the Bureau’s collections by 21% year on year in 2014 versus 5% in the pre-reform period,” pahayag pa ng kalihim.

Enero pa lamang ay maugong na ang sinasabing pagbibitiw ni Sevilla na pinabulaanan rin niya mismo noon.

Kasabay ng kanyang pag-alis sa BOC ay ang mga isyu tungkol sa pressure na tinanggap umano ni Sevilla kaya ito napilitang bumaba sa tungkulin.

Maging ang maipluwensyang relihiyon na Iglesia Ni Cristo (INC)  ay sinasabing may kinalaman umano sa pag-alis ni Sevilla sa pwesto.

Sa ulat ng Philippine Daily Inquirer at Rappler, binabanggit na may mga  partikular umanong tao ang sinusuportahan ng INC na mailagay sa ilang sensitibong posisyong sa loob ng Customs.

Sa kanyang pagbibitiw sinabi naman ni Sevilla na may mga bagong siyang hindi naipatupad sa kawanihan.

“Nagisisi din ako na hindi ako nagtagumpay sa pag-improve ng accountability ng Customs. Anong ibig kong sabihin? Kasi dapat pag may ginawa kang mali at nahuli ka, dapat automatic siguradong mapaparusahan. Hindi ko na-achieve ‘yun,” pahayag ni Sevilla.

Sa kabila nito nanawagan si Sevilla sa kung sinuman ang susunod na pinuno ng Aduana na sana ay maipagpatuloy nito ang mga repormang nasimulan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Ang daming hirap na pinagdaanan ng maraming tao, ang daming nagsakripisyo at nagtaya para mabago ang Customs. Malaking hinayang naman para sa Pilipinas, para sa mga nagsakripisyo kung hindi matuloy ang pagbabago sa susunod ng pamumuno,” dagdag pa ni Sevilla. -DCR

 

Advertisements