Mary Jane Veloso idinala na sa ‘execution island’ sa Indonesia

mary jane veloso

Mary Jane Veloso escorted by Indonesian law enforcers Image from: www.pinoy-ofw.com

Inilipat na sa Nusa Kambangan prison island sa Cilacap, Central Java, Indonesia  o mas kilala bilang ‘execution island’ ang Pinay OFW na si Mary Jane Veloso.

Ang paglipat ay kinumpirma naman dito sa Pilipinas ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Asec. Charles Jose.

Ayon kay Jose, walang natanggap na paunang impormasyon ang embahada ng bansa sa Indonesia bago ginawa ang paglilipat.

Nabatid na bandang 1:00 ng madaling araw kanina (April 24) ng dumating sa Wirogunan Penitentiary sa Yogyakarta ang mga pulis at sundalo saka kinuha si Veloso saka idinala sa naturang isla.

Sa isang hiwalay na ulat mula sa Reuters, nabatid na inabisuhan na ng Indonesia government ang mga embahadang nakakasakop sa 10 banyaga na nasa death row na magpadala ng kani-kanilang mga kinatawan sa execution island para sa inaasahang pagbitay.

Karaniwan ng nagbibigay ang Indonesia ng 72 oras na notice sa mga preso at embahadang nakakasakop sa mga ito bago isagawa ang pagbitay.

Nakatakda namang magkita ngayong araw sina Mary Jane at mga kapamilya nito kasama na ang kanyang mga magulang at dalawang anak.

Patuloy naman ang ginagawang pag-apela ng gobyerno sa Indonesia upang hindi matuloy ang pagbitay sa Pinay OFW.

Pinakahuli dito ay ang pakikipag-usap ni Vice President Jejomar Binay kay Indonesian Vice President Jusuf Kalla.

Bukod dito ay naghain na rin ng ikalawang apela ang DFA sa gobyerno ng Indonesia para mailigtas si Mary Jane. -DCR

Advertisements