PAGBITAY TANGGAP NA: Hiling ni Mary Jane Veloso maiuwi ang kanyang bangkay sa Pilipinas

Mary Jane Migrante

Tanggap na ng OFW na si Mary Jane Veloso ang posibilidad ng pagbitay sa kanya.

Ito ang sinabi ni Ginang Celia Veloso ina ni Mary Jane.

Sa panayam ng Rappler kay Celia sinabi nitong dalawa lamang ang kahilingan ng kanyang anak bago ang nakatakdang pagbitay dito.

Una ay ang makita silang pamilya nito at ikalawa ay maiuwi ang kanyang bangkay dito sa Pilipinas.

“Dalawa ang kahilingan niya (Mary Jane) yung makita kaming buong pamilya tapos iuwi daw ang bangkay niya, yun ang kahilingan niya sa kanila,” pahayag pa ni Aling Celia.

Sa emosyonal na panayam kay Aling Celia sinabi nitong ayaw na niya sanang pumunta sa Indonesia ngunit nagtungo siya doon dahil sa ito ang nais ng kanyang anak.

“Kahit mahirap sa akin, ayaw ko na pumunta dito (Indonesia) pinilit lang ako ng mga Migrante na pagbigyan ko raw ang kahilingan ng anak ko dahil hindi nila alam ang mangyayari kung matutuloy o hindi. Kung matuloy man daw, masaya yung anak ko na aalis na makikita kita kaya na-obliga ako sumama pero napakahirap,” pahayag pa nito.

Ngayong araw pormal ng iniutos ng Indonesia partikular ng Attorney General’s Office (AGO) sa mga prosecutor na maghanda para sa pagbitay sa mga nakapila sa death row.

Kinumpirma din ng AGO na ipinag-uutos na isagawa ang pagbitay matapos ang 60th Asian-African Conference Commemoration sa Indonesia ngayong araw Abril 24.

Bukod kay Veloso ay mayroong siyam na iba pa mula sa mga bansang Australia, France, Ghana, the Philippines, Brazil, Nigeria at Indonesia ang nasa death row.

Si Veloso ay naaresto noong 2010 sa Yogyaharta airport matapos makuha sa kanyang bagahe ang 2.6 kilo ng heroin. Sa kapareho ding taon ay nilitis at nahatulad si Veloso na mabitay sa pamamagitan ng firing squad.-DCR

Advertisements