Notice of execution para kay Mary Jane natanggap na ng pamilya Veloso

MAry Jane

Progressive groups in Manila appeal to spare the life of OFW Mary Jane Veloso from firing squad Indonesia. Image courtesy of Kathy Yamzon

Natanggap na ng pamilya ni Mary Jane Veloso ang notice of execution na ipinadala ng pamahalaan ng Indonesia.

Ayon kay National Union of People’s Lawyer (NUPL) secretary general Atty Edre Olalia, pasado 12:00 kagabi ng matanggap ito ng tatay at kapatid ni Veloso na naroon din sa Indonesia.

Bagama’t ay kautusan na ang gobyerno para sa pagbitay kay Veloso at siyam na iba pa ay wala pang eksaktong petsa kung kailan ito gagawin.

Sinabi ni Olalia kailangan pa ring matupad ang 72 oras na advance notice bago ang pagbitay. Hindi pa aniya nagsisimula ang countdown dahil wala pa namang takdang petsa kung kailan isasalang sa firing squad si Veloso.

Ngayong araw naman ay pinayagan na ang pamilya Veloso na makadalaw kay Mary Jane sa Nusa Kambangan o mas kilala bilang ‘execution island’.

Makakadalaw kay Mary Jane ang kanyang mga kaanak, abogado, spritual adviser at mga opisyal ng Philippine embassy mula 9:00 AM hanggang 5:00 PM.

Kasabay nito ibinalita rin ni Olalia na naihain na nila ang ikalawang apela para sa kaso ni Veloso.

Kasama sa mga bagong argumento sa bagong apela ay ang pagsasabi na bitbit ng Pinay OFW ang 2.6 kilong heroin ng hindi niya nalalaman. Dahil dito nagpapakita umano ito ng kawalang intensyon ni Veloso na ipuslit at ibenta ang nasabing ipinagbabawal na gamot.

Bukod dito ay isinama na rin sa apela ang ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na Veloso ay biktima ng human trafficking.

Sa kabila ng lahat ng ito aminado si Olalia na may posibilidad pa ring ituloy ang pagbitay kay Veloso at hindi na pakinggan ng hukuman ang inihain na apela ng bansa.

Sa ngayon ay nananawagan ang mga abogado at ang mismong pamilya Veloso na ipanalangin si Mary Jane upang maligtas sa parusang kamatayan.-DCR

Advertisements