Mary Jane Veloso bibitayin sa April 28 ayon sa Indonesia

1

Mary Jane Veloso (in white) is set to be executed in Nusa Kambangan Island Indonesia on April 28. Image from: Mail Online

Itinakda na sa Martes April 28 ng Indonesia ang pagbitay sa OFW na si Mary Jane Veloso.

Ang araw ng pagbitay ay sinabi mismo kay Veloso kaharap ang ilang opisyal mula sa Philippine Embassy.

Ito rin ang naging kumpirmasyon kahapon ng abogado ni Veloso na si Atty. Minnie Lopez.

”Tumawag sa kapatid si Mary Jane, binanggit nga ni Mary Jane na nandoon na ang opisyales ng embassy at ng kanilang justice department, na siya ay sinervan na ng notice, informing her that her date of execution will be on the 28th of April,” pahayag ni Lopez sa panayam nito sa DZMM.

Kahapon ay nagkita naman sa Nusa Kambangan prison o mas kilala bilang ‘execution island’ si Veloso at mga kapamilya nito at ngayong araw ay nakatakda uling dumalaw ang mga ito.

Sa ulat naman ng Rappler, kabilang sa mga hiling ni Veloso ay ang mapayagang makapag overnight sa kulungan ang kanyang mga kapamilya upang makasama ang mga ito hanggang sa kanyang huling sandali.

Nais din ni Veloso na naroon sa isla ang kanyang mga kaanak upang makuha ng mga ito ang kanyang bangkay matapos ang gagawing pagbitay.

Bukod naman sa petsa ay hindi sinabi ng Indonesian authority ang espisipikong oras ng pagbitay kay Veloso.

Sa kabila nito karaniwan ng ginagawa ang pagbitay sa madaling araw.

Sa ngayon ay patuloy namang umaasa ang mga abogado, kaanak at maging ang gobyerno ng Pilipinas na maililigtas hanggang sa huling sandali ang buhay ni Veloso.

Inaasahan naman na muling iaapela at mababanggit ni Pangulong Benigno Aquino III ang kaso ni Veloso kay Indonesian President Joko Widodo sa kanilang pagkikita sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Malaysia. –DCR

Advertisements