WALA NG ATRASAN: Pagbitay kay Mary Jane Veloso itutuloy ng Indonesia

INDONESIA-AUSTRALIA-PHILIPPINES-CRIME-DRUGS

Mary Jane Veloso Image from: nccphilippines.org

Itutuloy ng Attorney General’s Office ng Indonesia ang pagpapatupad ng parusang bitay kay Mary Jane Veloso at sa walong iba pang nahatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad.

Ito ang napagpasyahan ng Indonesian government matapos ang emergency meeting na ginawa kasama si Indonesian President Joko Widodo.

Ito ay sa kabila ng muling pag-apela ng Pilipinas na pag-aralan ang kaso ni Veloso matapos boluntaryong isuko sa Nueva Ecija Provincial Police Office ng recruiter na si Christine Pasadilla alyas Kristina Sergio ang kanyang sarili.

Ayon sa recruiter, wala siyang kinalaman sa pagkakaroon ng 2.6 kilong heroin sa bagahe ni Veloso. Itinanggi din nito ang mga bintang na kasabwat siya ng isang drug trafficking syndicate.

Aniya, sumuko siya sa pulisya upang patunayan na siya ay inosente bukod pa sa mga natatanggap niyang banta sa para kanyang pamilya at sariling buhay.

Matapos naman ang naganap na pagsuko ay agad itong ipinaalam kay Widodo. 

Ayon sa mga lumabas na impormasyon, ilang oras bago matapos ang 72-hour notice para sa execution ay kinausap ni Widodo ng mga miyembro ng kanyang gabinete at nagsagawa ng isang emergency meeting.

Sinabi ni Indonesian Attorney General H.M. Prasetyo na nakausap na nila sa pulong si Widodo at sinabi nito na ituloy ang pagbitay alinsunod sa mga patakaran ng Indonesia.

Ayon pa kay Prasetyo, nasa isandaang porsyento ang kanilang kahandaan para sa pagpapatupad ng firing squad sa mga nahatulan.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa sinasabi ng Indonesia ang eksaktong oras ng pagbitay ngunit inaasahan na magaganap ito madaling araw ng Miyerkules Abril 29.-DCR

Advertisements