MATAPOS MAILIGTAS SA BITAY SI VELOSO: “I am proud of my President”- Kris Aquino

kris aquino

Presidential sister Kris Aquino (in yellow) Image courtesy of PIO QCPD Facebook

“I am proud of my brother. I am proud of my President.” 

Ito ang naging pahayag ng aktres na si Kris Aquino matapos lumabas ang balita na hindi natuloy ang pagbitay ng Indonesia kay Mary Jane Veloso. 

Sa kanyang Instagram post sinabi ng aktres na sa kabila ng lahat ng pambabatikos na tinanggap ng kanyang kapatid na si Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa kaso ni Veloso ang kanya lamang ginawa ay ang manalangin at manahimik.

“I kept quiet & just prayed. Left & right paulit ulit na walang ginawa, walang effort, walang malasakit, patalsikin, walang nagawa si Noynoy,” pahayag pa ni Kris.

Ayon pa sa aktres, ipinanalangin ng kanyang buong pamilya ang kaligtasan ni Mary Jane at ang pamilya Veloso.  Ipinagdasal din ng aktres base sa kanyang post ang Pangulo at ang buong gobyerno upang magkaroon sila ng gabay sa paghanap ng paraan para maisalba mula sa bitay ang Pinay OFW.

“I kept quiet w/ the endless attacks against PNoy because that was his reminder to me, but today it is my right & my privilege to say, I am proud of my brother. I am proud of my President,” pagtatapos ng aktres sa kanyang post.

Si Veloso ay naligtas mula sa tiyak na kamatayan matapos ang pag-apela ng Pangulo sa Indonesia na huwag bitayin ang Pinay at sa halip ay gawin itong testigo.

Ayon sa Pangulo, mas makakabuti sa Indonesia kung kukunin nito ang testimonya ni Veloso upang mahuli ang mas malalaking sindikato na may kinalaman sa pagpuslit ng ilegal na droga hindi lamang sa kanilang bansa kundi pati na rin sa Pilipinas.

Sa siyam na taong nakahanay kaninang madaling-araw sa bitayan tanging si Veloso lamang ang napagbigyan at naipagpaliban ang pagbitay.

Mula sa execution island sa Nusa Kambangan ay nailipat na si Veloso sa dati nitong kulungan sa Yogyaharta.

Nabatid na nagbago ang isip ni Indonesian President Joko Widodo nang mapag-alaman na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang recruiter ni Veloso na si Maria Kristina Sergio.-DCR

Advertisements