Pagbitay kay Mary Jane Veloso hindi itinuloy ng Indonesia

Filipino Death Row Prisoner Mary Jane

Mary Jane Veloso Image courtesy of EPA/Bimo Satrio via Rappler

Naligtas mula sa tiyak na kamatayan si Mary Jane Veloso matapos hindi ipatupad ng Indonesia ang hatol na parusang kamatayan para sa kanya.

Pansamantalang naligtas sa bitay si Veloso makaraang hindi ito isalang sa nakatakda sanang firing squad Miyerkules (April 29) ng madaling-araw.

Sa siyam na katao na nakapila sa bitay ay tanging si Veloso lamang ang nailigtas.

Madaling araw ng Miyerkules nang agad kumalat ang balita na binitay na ang walong death convict sa Nusa Kambangan Island at tanging si Veloso lamang ang pinalad na hindi mapasama.

Nabatid na napagdesisyunan ng gobyerno ng Indonesia partikular ni Indonesian President Joko Widodo na i-review ang kaso ni Veloso matapos makarating sa kanya ang balita na nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang recruiter na si Maria Kristina Sergio.

Inaasahan na tetestigo si Veloso laban sa recruiter nito.

Ilang oras bago isagawa ang firing squad ay tinawagan ni PNoy mula sa Malaysia si Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi upang sabihin na huwag bitayin si Veloso at sa halip ay gawin itong testigo.

Sa naturang pag-uusap ay nangako si Marsudi na agad ipararating kay Widodo ang napag-usapan nila ni PNoy.

Sa naturang pag-uusap ay sinabi ng Pangulo na mas makabubuti para sa Indonesia at Pilipinas kung hindi mabibitay si Veloso dahil maaari itong tumestigo na siyang posibleng maging daan para mahuli ang mga big time drug syndicate na may operasyon sa dalawang nasabing bansa.

Sa isang pahayag mula sa artikulong inilabas ng Rappler lumalabas na nais muna ni Widodo na malaman ang kalalabasan ng paglilitis laban sa recruiter bago desisyunan ang magiging kapalaran ng Pinay human trafficking victim.

“The decision to delay the execution was taken by the President after receiving reports about an ongoing legal process in the Philippines. Because the legal process is still ongoing in the Philippines, we must ensure Mary Jane Veloso deserves justice.”  pahayag pa ni Widodo. 

Dito sa Pilipinas ay agad namang nagbunyi ang mga kamag-anak at tagasuporta ni Veloso matapos kumalat ang balita na hindi na muna ito bibitayin sa Indonesia.

Sa panayam kay Ginang Celia Veloso ay abut-abot ang pasasalamat nito sa Diyos at sa mga sumuporta sa kanyang anak para huwag matuloy ang pag-firing squad dito. 

“Totoo ang sinabi mo, anak, (Mary Jane) na ‘pag gusto kang buhayin ng Panginoon, kahit isang hibla o isang minuto lang, bubuhayin ka.” pahayag pa ni Ginang Celia matapos malamang hindi nabitay ang kanyang anak.

Sa ngayon ay inaayos na ng gobyerno ang mga susunod nitong hakbang upang maialis na sa death row si Veloso habang ang mga tagasuporta naman ng Pinay OFW ay nais na itong mapauwi sa lalong madaling panahon.-DCR

Advertisements