Isa pang Pinay nanganganib mabitay sa Saudi Arabia

Members of Saudi al-Mujahdeen forces hold up the Saudi Arabia flag in Arafat

Image courtesy of Reuters via www.hrw.org

Isa na namang Pinay ang nanganganib na mabitay sa Riyadh, Saudi Arabia.

Nakilala ang biktima na si Rose Policarpio Dacanay.

Sa ulat mula sa ABSCBN, si Dacanay ay nanganganib na mabitay sa Saudi matapos nitong mapatay ang kanyang amo na Lebanese.

Nabatid na noong Mayo 2013 ay tatlong hindi nakilalang lalaki ang pumasok sa bahay ng amo ni Dacanay at tinangkang gahasain ang Pinay.

Hindi umano natuloy ang panggagahasa matapos manlaban si Policarpio Ang naturang mga lalaki rin umano ang sinasabing pumatay sa kanyang amo.

Sa kabila nito, tanging si Dacanay lamang at ang duguang bangkay ng kanyang amo ang nadatnan ng pulisya sa naturang bahay dahilan para ang Pinay ang maging pangunahing suspek sa krimen.

Sa hiwalay na impormasyon naman mula sa Migrante International, sinasabi na si Dacanay ay tumakas mula sa bahay ng kanyang amo matapos tangkain ng mga pumatay dito na siya ay gahasain.

Ayon sa ina ng biktima na si Editha Dacanay, nagtungo sa istasyon ng pulisya ang kanyang anak upang magsumbong subalit imbes na tulungan ay ito ang ipiniit ng mga pulis.

Nabatid din na noong Pebrero lamang ay isang Jerome Frias umano mula sa embahada ng Pilipinas sa Saudi ang pumilit sa Pinay na aminin na lamang ang pagpatay sa kanyang amo.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa kinukumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang katotohanana sa likod ng nasabing kaso.-DCR

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements