Mga gwardya ni Mary Jane Veloso napaiyak bago ang nakatakda sanang pagbitay sa kanya

veloso

Mary Jane Veloso with her Indonesian prison guard Image courtesy of Reuters via Daily Mail

Napaiyak maging ang mga gwardyang nagbabantay kay Mary Jane Veloso ilang oras bago ang nakatakda sanang pagbitay sa Pinay human trafficking victim.

Ito ang ikinwento ni Fr. Charlie Burrows, ang pari na siyang kasama ng mga death convict sa Nusa Kambangan Island noong mga huling oras bago isagawa ng Indonesia ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad.

Sa artikulo mula sa pahayagang The Guardian, sinabi ni Burrows na napaiyak ang mga bantay sa Nusa Kambangan Prison lalo na ng magsimulang magpaalam si Veloso sa dalawa nitong anak noong April 28.

Ayon pa sa pari, pinilit ni Veloso na maging masaya habang nasa piling niya ang dalawang anak ngunit hindi rin nito napigilang maging emosyonal ng sumapit na ang oras para tapusin ang huling pagdalaw.

“The whole place broke down in tears. The warden and attorneys felt real bad about it They said to they didn’t agree with the thing, they just had to do their job, that there should be a moratorium,” pahayag pa ni Burrows.

Ayon pa sa kay Burrows, naitanong din sa kanya ng mga bantay sa nasabing kulungan kung responsable ba maging sila sa paghihirap ni Veloso at ng pamilya nito.

Sa siyam na death convict na nakatakdang bitayin kahapon ng madaling araw (Abril 29) tanging si Veloso lamang ang pansamantalang napagbigyan ang hiling na hindi muna mabitay.

Sinabi ni Burrows na hanggang sa huling sandali ay walang kaalam alam ang mga kapwa preso ni Veloso na napagbigyan ang hiling para rito na huwag munang ma-firing squad.

Bandang 12:35 kahapon ng madaling araw o 1:35 ng madaling araw sa Pilipinas ng sabay sabay na binaril ang walong preso at idineklarang patay tatlong minuto matapos ang pagbitay.

Sa ngayon ay naibalik na sa dati nitong kulungan sa Yogyakarta si Veloso.

Nagbago ang isip ni Indonesian President Joko Widodo sa kaso ni Veloso ilang oras bago ang execution matapos ipaalam ni Pangulo Aquino dito na nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang recruiter na si Cristina Sergio.

Inaasahan na tetestigo si Veloso laban kay Sergio at magagamit ang testimonya nito upang mabunyag kung sinu-sino ang mga nasa likod ng talamak na drug trafficking sa Indonesia at Pilipinas.-DCR

Advertisements