Ricky Lee pararangalan ng UP

Lee

2015 UP Gawad Plaridel awardee Ricardo “Ricky” Lee Image courtesy of UP CMC Facebook, Ricky Lee and Jerry Siapoc

Nakatakdang parangalan ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman ang isa sa mga sikat at hinahangaang manunulat sa bansa na si Ricardo “Ricky” Lee. 

Si Lee ang napiling tumanggap ng 2015 Gawad Plaridel, ang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay ng pamantasan sa mga taong nakapag-ambag ng malaki sa larangan ng midya.

Ang Gawad Plaridel ay binuo ng UP College of Mass Communication (CMC) bilang pagbibigay pugay sa mga indibidwal na nagpamalas ng kanilang husay sa larangan ng midya at nagpakita ng pinakamataas na uri ng integridad at propesyunalismo sa ngalan ng serbisyo publiko.

Ilan sa mga obrang pelikula na isinulat ni Lee ay ang Himala na pinagbidahan ng aktres na si Nora Aunor. Bukod dito ay isinulat din ni Lee ang mga pelikulang Jaguar, Salome, Moral, at Karnal.

Bilang isang premyadong manunulat itinaas ni Lee ang integridad ng nasabing propesyon. Nakapag-ambag din siya ng malaki sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga manunulat sa bansa.

Nakatakdang parangalan si Lee ng pamantasan sa pangunguna nina UP President Alfredo Pascual at UP-Diliman Chancellor Michael Tan sa Agosto 26 sa ganap na 2:00 ng hapon sa UP Cine Adarna.

Tatanggapin ni Lee ang tropeong idinisenyo ng pambansang alagad ng sining na si Napoleon Abueva. 

Isang lektyur naman ang ibibigay ni Lee sa publiko matapos tanggapin ang nasabing parangal.

Kabilang sa mga tumanggap na prestihiyong Gawad Plaridel ay sina Eugenia Duran-Apostol (2004, print),Vilma Santos (2005, film), Fidela “Tiya Dely” Magpayo (2006, radio), Cecilia “Cheche” L. Lazaro (2007, television), Pachico A. Seares (2008, community print), Kidlat Tahimik (2009, independent film), Eloisa “Lola Sela” Canlas (2011, radio), Florence “Rosa Rosal” Danon-Gayda (2012, television), Jose “Pete” Lacaba (2013, print), at Nora “Nora Aunor” Villamayor (2014, Transmedia).

Ang gaganaping parangal ngayong taon ay bahagi ng pagdiriwang ng UP-CMC ng kanyang ika-50 taong anibersaryo.-DCR

Advertisements