Assistant cameraman ng CNN Philippines patay sa pamamaril

CNN

Photo from Jonathan Oldan Facebook Page

Patay matapos pagbabarilin ang assistant cameraman ng CNN Philippines na si Jonathan Oldan kaninang umaga sa Bukaneg Street Barangay Pinagbuklod, Imus City, Cavite.

Sa paunang pagsisiyasat ng Imus City PNP, apat na tama ng bala sa ulo ang kumitil sa buhay ng biktima na tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang papasok sana ito sa kanyang trabaho kaninang 5:15 ng umaga.

Si Oldan ay kasamang nagko-cover ng CNN Philippines sa Department of Justice.

Dahil dito ay inatasan na rin ni Department of Justice Secretary Leila de Lima ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang pamamaslang.

Ayon kay NBI Dir. Virgilio Mendez, nagpadala na sila ng isang grupo mula sa kanilang Death Investigation Division para magsagawa ng imbestigasyon sa kaso.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa din batid ang motibo ng pamamaslang sa biktima.

Kung mapapatunayang may kaugnayan sa trabaho, si Oldan na ang ikatlong mamamahayag na pinaslang ngayong taon at pang 27 sa talaan ng mga pinapaslang na kagawad ng midya sa ilalim ng administrasyong Aquino.-DCR

Advertisements