Pasok sa opisina at paaralan sinuspinde na ng Malacañang

45

Original image from www.worldngayon.com

“Better late than never”

Tuluyan ng sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at sa lahat ng antas ng paaralan sa buong Metro Manila matapos ang halos walang patid na pag-ulan.

Simula pa kahapon ay nakaranas na ng malalakas na buhos ng ulan ang Kamaynilaan na nagdulot ng mga pagbaha sa napakaraming lansangan.

Sa bisa ng Memorandum Circular 77 na pirmado ni Executive Secretary Paquito Ochoa ay nagsuspinde na ng pasok sa paaralan at mga opisina ng gobyerno ang Palasyo.

Sa kabila nito ay tila huli na ang paglalabas ng abiso dahil naianunsyo ito bandang alas-3 na ng hapon.

Bago naman ang nasabing kautusan ay una ng nagsuspinde ng klase ang iba’t ibang lungsod sa Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil sa hagupit ng bagyong Egay.

Sa huling abiso ng PAGASA kaninang alas-3 ng hapon ang Metro Manila ay naibaba na sa Yellow rainfall warning ng kasama ang mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan at Pampanga.

Nananatili namang nakataas ang Orange rainfall warning sa Cavite, Zambales at Bataan. 

Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan naman ang nararanasan sa Tarlac, Nueva Ecija at ilang bahagi ng Batangas. 

Ayon sa PAGASA mananatili ang kanilang rainfall advisory sa loob ng tatlong oras.-DCR

Advertisements