Mga nalason ng ‘durian candy’ sa CARAGA region umakyat na sa mahigit 1,900

durian

Sample of durian candy that poisoned more than 1,900 individuals in CARAGA region. Photo courtesy of Philippine Star/Williamor Magbanua/Notre Dame Broadcasting Corporation, Kidapawan City

Pumalo na sa mahigit 1,900 katao ang nalason dahil sa pagkain ng durian candy sa CARAGA region. 

Sa pinakahuling impormasyon mula kay Department of Health (DOH)- CARAGA regional director Jose Llacuna Jr. umabot na sa 1,909 katao ang nalason matapos makakain ng expired na durian candy base sa huling record nila bandang 11:00 kagabi.

Karamihan sa mga ito ay mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa nasabing rehiyon partikular sa mga lalawigan ng Surigao Del Sur, Surigao Del Norte at Agusan Del Sur.

Sa panayam sa kanya sa DZMM Teleradyo sinabi ni Llacuna na sa naturang bilang ay 111 pa ang nananatili sa ospital subalit inaasahan nilang makakalabas na rin ang mga ito sa mga susunod na araw.

Sa kabila naman ng napakalaking bilang ng mga nalason ay walang naitalang namatay sa mga ito.

Ayon pa kay Llacuna, naipadala na nila sa Food and Drug Administration sa Tagum City  ang sample ng durian candy na kinain ng mga biktima at malalaman kung anong kemikal ang nakalason sa ito sa susunod na tatlo hanggang limang araw.

Kasabay nito ay isinailalim na rin sa code white alert ng DOH ang kanilang mga ospital sa rehiyon para matugunan ang sitwasyon.

Unang pumutok ang balita nang pagkalason ng mga estudyante noong Biyernes.

Nabatid na bumili ang mga bata ng durian candy sa mga nagtitinda sa labas ng kanilang paaralan.

Kaugnay nito ay nadakip na ng pulisya ang pito hanggang sa siyam na vendor ng durian candy na nakalason sa mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung bakit mula sa Davao City ay dumayo pa ang mga ito sa ibang lugar upang magbenta ng durian.

Sa paunang pagsisiyasat ay lumalabas na expired na ang mga durian candy at ini-repack na lamang ito upang muling maibenta.

Humingi na rin ng paumanhin ang manufacturer ng Wendy’s Durian Candy na si Janet Kempis Aquino. 

Aniya, sa kanila nga galing ang mga candy na sinasabing nakalason sa mga biktima subalit maaari umanong matagal na itong nabili sa kanila at malamang na na-expire sa kamay ng mga tindera at ini-repack na lamang upang muling maibenta.-DCR

Advertisements