Pinoy nadamay: 21 patay, higit 120 sugatan sa Bangkok bombing

1

Bomb blasts near Erawan Shrine in Bangkok, Thailand Image from Richard Barrow twitter

(Updated as of 1:15 PM) Aabot na sa 21 ang kumpirmadong patay habang higit 120 ang sugatan matapos ang malagim na pagsabog kagabi sa Erawan Shrine sa Bangkok, Thailand.

Naganap ang pagsabog bandang 6:55 kagabi (Bangkok Time) sa kalagitnaan ng rush hour doon.

Sa pinakahuling pahayag ngayong araw ni Thai police spokesman Prawut Thavornsiri, sinabi nito na umakyat sa 21 ang namatay habang 123 ang naitalang sugatan sa insidente. 

Ayon sa ulat ng Bangkok Post, isang improvised explosive device ang inilagay sa mismong complex ng Erawan Shrine saka ito pinaputok malapit sa bahagi ng Ratchaprasong intersection.

Dahil sa insidente ay pansamantala munang sinuspinde ang klase ngayong araw sa 438 na paaralan sa kapitolyo ng Thailand.

Ang Erawan Shrine ay isang kilalang tourist attraction sa lugar kung saan malapit din ito sa mga hotel at iba pang malalaking establisyemento doon.

Target ng pagpapasabog ang mga turista. Ito ang sinabi ni Defense Minister Prawit Wongsuwon dahil ginawa ang insidente malapit sa mga hotel at tourism site. Aniya, layon ng mga teroristang may kagagawan nito na pabagsakin ang ekonomiya ng Thailand.

Sa pinakahuling impormasyon naman mula sa BBC ay isang Pilipino na ang kumpirmadong namatay dahil sa pagsabog.

Ayon kay Thai national police chief  Somyot Pumpanmuang sa mga naiulat na nasawi, 10 rito ang kumpirmadong Thai, isang Chinese at isang Pilipino.

Sa pinakabagong listahan na inilabas ng pulisya ngayong araw ay lumilitaw na dalawang Chinese, dalawang taga Hong Kong, dalawang Malaysian, isang Singaporean at limang Thai ang kumpirmadong patay sa pambobomba. Ang pagkakakilanlan naman sa iba pang nasawi ay nagpapatuloy.

Sa ulat ng Agence France Presse (AFP), base sa listahan ng mga nasugatan karamihan sa mga ito ay Thai kung saan umaabot ito sa 42.

Sunod dito ay mga Chinese na umabot sa 28 habang may tig-iisang mamamayan naman mula sa mga bansang Japan, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Maldives, Oman, Pilipinas at Singapore ang kasama sa listahan. 

Base pa sa ulat ng AFP, una ng napabalita na may Pinoy na kasama sa mga namatay sa insidente subalit wala ng binabanggit na ganitong impormasyon sa pinakahuling listahan na inilabas ng mga Thai authority. 

Kaugnay nito sinabi ni Philippine Ambassador to Thailand Mary Jo Bernardo-Aragon na nagpapunta na sila ng kanilang mga tauhan sa ospital para alamin kung may Pinoy na napasama sa pambobomba.

Dahil pa rin sa mga hindi nagtutugmang mga ulat at impormasyon ay sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Asec. Charles Jose na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa embahada ng bansa sa Bangkok hinggil sa insidente.

Hinikayat din ng DFA ang mga Pilipino ngayon sa Thailand partikular sa Bangkok na umiwas muna sa matataong lugar kasunod ng pangyayari.

Ayon sa DFA umaabot sa 14,000 hanggang 15,000 Pilipino ang nasa Thailand na ang karamihan ay nakabase sa Bangkok.

Kasunod nito ay kinondena rin ng gobyerno ng Pilipinas ang malagim na pangyayari.

” The Philippines deplores the horrific bombing near a popular Hindu Temple in Bangkok where innocent lives have been lost. The bombing apparently has the intention to sow terror and we condemn this act in the strongest terms. The Philippines stands in solidarity with the government and people of Thailand at this trying moment,”  pahayag pa ni DFA Sec. Albert Del Rosario

Kasabay nito ay nagpaabot rin ng pakikiramay ang Estados Unidos at ang United Nations sa pamilya ng mga namatay at nadamay sa pagpapasabog.

Sa pahayag ni UN Secretary General Ban Ki Moon, sinabi nitong umaasa siya na mapapanagot ang mga may kagagawan sa malagim na insidente.-DCR

Advertisements