TULONG SA HPG: SAF commandos itatalaga na rin sa Edsa

SAF 1

Photo courtesy of PNP-SAF

Dahil sa nararanasan na matinding daloy ng trapiko sa Edsa ay itatalaga na rin ng Philippine National Police maging ang elite unit nito na Special Action Force (SAF).

Aabot sa 20 miyembro ng SAF ang tutulong sa mga kagawad ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) para sa pagmamando ng trapiko sa pinaka-abalang lansangan sa Metro Manila.

Ang pagtatalaga sa mga SAF commando ay ginawa matapos hilingin mismo ni HPG director Chief Superintendent Arnold Gunnacao sa iba pang unit ng PNP na magpahiram ng kanilang mga tauhan para maipandagdag sa bilang ng mga nagmamandong pulis sa Edsa.

Ayon kay Gunnacao, ang SAF ang unang tumugon sa kanyang panawagan.

Sinabi naman ni SAF chief Police Director Moro Virgilio Lazo na nag-umpisa nang sumailalim sa seminar ang may 20 police commando para sa traffic management simula kahapon.

Noong Lunes ay sinimulan na ng mahigit 90 HPG personnel ang pagmamando ng trapiko sa anim na mga natukoy na choke points sa Edsa.   

Kapansin pansin naman na bahagyang bumilis ang daloy ng trapiko sa Edsa subalit naging matindi pa rin ang pagsisikip dahil sa dami ng mga dumadaang sasakyan.

Una ng sinabi ni Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino na ang napakaraming volume na ng mga sasakyan ang sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Bukod sa pagtatalaga sa HPG at SAF ay may mga mungkahi na rin na gawin ang carpooling sa Edsa.

Sa iskemang ito ay hindi na papayagan dumaan ang mga pribadong sasakyan na dumaan sa Edsa kung isa o dalawa lamang ang kanilang sakay.

Bukod dito ay iminumungkahi na rin ang odd-even scheme para sa mga sasakyan base sa numero sa kanilang mga plaka.

Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy naman ang paghingi ng Malacañang ng pang-unawa sa mga motorista at commuter dahil patuloy naman umanong hinahanapan ng solusyon ng pamahalaan ang problema sa trapiko.-DCR

Advertisements