DZMM anchor ikinulong, Radyo Inquirer reporter hinarass ng MPD

MPD

Ikinulong sa headquarters ng Manila Police District (MPD) ang DZMM anchor na si Atty. Claire Castro habang nakaranas naman umano ng harassment ang Radyo Inquirer reporter na si Ruel Perez kagabi.

Bukod kay Castro ay ipiniit din ng MPD ang asawa nito at ang kanyang sekretarya.

Sa ulat ng DZIQ ngayong araw, nag-ugat ang insidente nang magtungo sa MPD si Castro kasama ang kanyang asawa at sekretarya para tulungan ang kanyang kliyente na si Jackson Chua Jr.

Nabatid na inaresto ng mga pulis si Chua sa isang mall sa Maynila kung saan nakatakda itong makipagkita sa kanyang nobya.

Lumalabas na pilit umanong pinababayaran kay Chua ng kanyang nobya ang credit card bill na umaabot sa P40,000 na tinanggihan naman nitong gawin.

Nabatid ni Castro na basta na lamang ikinulong ang kanyang kliyente kahit walang warrant of arrest. Paglabag umano sa RA 9262 o Violence Against Women and Children ang kaso ni Chua.

Dahil dito ay umapela at pinilit ni Castro na mapalaya ang kanyang kliyente.

Sa kabila nito ay ipinasya ng MPD Legal Department na ikulong din maging ang abogado dahil umano sa panggugulo at pagwawala nito.

Ang mamamahayag naman na si Perez ay napagbalingan din ng isa sa mga pulis ng MPD.

Habang ini-interview ni Perez si Castro ay pilit itong pinapalabas ni Major Aresenio Reparip.

Ipinaliwanag naman ng radio reporter na kinukuha lamang niya ang panig ni Castro subalit nagtaas pa ng boses ang pulis lalo na ng kunin ni Perez ang buo nitong pangalan.-DCR

Advertisements