Reyes brothers ide-deport na mamayang gabi pabalik ng Maynila- CIDG

Wanted

Kumpirmado na ang muling pagbabalik sa bansa ng magkapatid na puganteng sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes bukas ng madaling araw.

Ito ay matapos maaprubahan ang deportation process ng dalawa pabalik dito sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong murder kaugnay ng kanilang pagkakadawit sa pagpaslang sa Palawan based broadcaster na si Dr. Gerry Ortega.

Ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang magiging escort ng magkapatid sa oras na ibalik na sila rito sa Pilipinas.

Ayon kay CIDG Superintendent Charlo Collado, bandang 10:50 ng gabi (Bangkok Time) magti-take off ang eroplanong maghahatid sa magkapatid pabalik sa Maynila.

Lulan ng Philippine Airlines flight PR 733 inaasahan na lalapag ito sa Ninoy Aquino International Airport bandang 3:20 ng madaling araw bukas sakay ang magkapatid at mga tauhan ng CIDG. 

Kasama sa listahan ng mga high profile fugitives ang magkapatid na Reyes na tumakas sa bansa matapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanila ang Palawan Regional Trial Court noong March 2012 dahil sa pagpaslang umano kay Ortega noong January 24, 2011.

Nadakip ng Royal Thai Police noong Lunes ang dalawa sa Phuket dahil sa pagiging overstaying ng mga ito matapos kanselahin ng Department of Foreign Affairs ang kanilang mga pasaporte.

Siniguro naman ng PNP na dadaan sa tamang proseso ang pag-deport sa magkapatid kung saan inaasahan na poposasan ang mga ito sa sandaling ipasok na sa eroplanong maghahatid sa kanilang pabalik ng Maynila.-DCR

Advertisements