NAKIPAG-AREGLO SA TSUPER | MMDA enforcer binugbog ng mga HPG officer

PNP HPG

PNP Chief Dir,/Gen. Ricardo Marquez talks to policemen during his inspection on the deployment of HPG officers in Edsa Photo from PNP


Binugbog ng dalawang miyembro ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang isang MMDA traffic enforcer sa Quezon Avenue, Quezon City. 

Nakilala ang mga nasasangkot na pulis na sina Inspector Joel Maranion at SPO2 Norman Interino habang ang nagrereklamo naman ay si MMDA traffic enforcer Leon Trinidad.

Base sa sinumpaang salaysay ni Trinidad, naganap umano ang pambubugbog sa kanya nina Maranion at Interino dakong 8:30 ng gabi noong Martes September 22.

Nabatid na inatasan si Trinidad ng HPG mula sa pwesto nito sa isang bahagi ng Quezon Avenue na dalhin sa kasama nitong si MMDA Constable Baldomero Capulo Jr. ang mga nakukumpiska nilang lisensya ng mga traffic violator para mabigyan ng violation ticket.

Salaysay pa ni Trininidad bandang 8:30 ng gabi nang lapitan siya ng traffic violator na si Mark Nicolas at hinahanap sa kanya ang lisensya initong kinumpisa ng mga miyembro ng HPG. 

Magalang umano niyang sinabi kay Nicolas na wala sa kanya ang hinahanap na lisensya. 

Umalis umano si Nicolas at ilang sandali ay bumalik na kasama sina Maranion at Interino. 

Ayon kay Trinidad, kinausap umano siya ng dalawang pulis at pilit na ipinalalabas sa kanya ang lisensya ni Nicolas sa harap ng dalawa pang kasamahang MMDA enforcer.

Dahil walang maibigay na lisensya ay bigla na lamang umano siyang pinalo ng helmet ni Interino habang tinadyakan naman siya ni Maranion bukod pa sa pagpalo nito sa kanya ng dala nitong radyo.

Kinumpiska rin umano ng mga pulis ang kanyang ID pati na ang sa kanyang dalawang kasama.

Dahil dito sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Operation Emerson Carlos na idinala na nila sa kanilang legal department ang usapin para sa kinakailangan aksyon laban sa mga nanakit na HPG officer. 

Tila ibang bersyon naman ang sinasabi  ni HPG director Chief Superintendent Arnold Gunnacao.

Sa panayam kaninang umaga ni Joel Reyes Zobel ng programang Saksi sa Dobol B, sinabi ni Gunnacao na sinaktan nga ng kanyang mga tauhan ang MMDA enforcer.

Sa kabila nito nasaktan umano nina Maranion at Interino si Trinidad matapos malamang naareglo ito ng mga tsuper na kanilang nahuli.

Ayon kay Gunnacao, tatlong tsuper ng jeep ang hinuli ng kanyang mga tauhan at hinala nila naibigay sa mga kasamahang tsuper ni Nicolas ang lisensya nito matapos makipag-areglo kay Trinidad.

Napalo umano at nasapok ng kanyang mga tauhan ang si Trinidad dahil sa pagkainis na posible silang madamay sa naganap na aregluhan sa pagitan ng traffic violator at ng MMDA enforcer.

Ayon sa opisyal, mahigpit ang kanyang bilin sa lahat ng miyembro ng HPG na huwag makikipag-areglo sa mga nahuhuling traffic violator.

Sa kabila nito sinabi ni Gunnacao na naka-hold ngayon sa kanilang himpilan sa Camp Crame sina Maranion at Interino habang gumugulong ang imbestigasyon sa mga ito.-DCR

Advertisements