Pinoy kumpirmadong kasama sa mga namatay sa Saudi hajj stampede

Mina stampede

Mina hajj stampede Photo from Saudi Red Crescent Authority

Kinumpirma ng konsulado ng Pilipinas sa Jeddah na kasama ang isang Pilipinong pilgrim sa mga namatay sa naganap na stampede sa Mina, Saudi Arabia.

Sa impormasyon mula kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Asec. Charles Jose, kinumpirma nito ang pagkamatay ng isang Pinoy subalit hindi  na ito nagbigay pa ng anumang detalye tungkol sa pagkakakilanlan ng biktima.

“The Philippine Consulate General in Jeddah has confirmed that one (1) local Filipino pilgrim died in the stampede in Mecca. The personal circumstances of the victim are being withheld on the request of the family,” text message ni Jose sa mga kagawad ng midya. 

Sa pinakahuling bilang ay ay nasa 717 na ang kumpirmadong namatay sa malagim na stampede habang halos umabot naman sa 900 ang nasugatan.

Sa taya ng DFA ay may higit 8,000 Pinoy pilgrims ang lumahok ngayong taon sa naturang aktibidad sa Mecca.

Base naman sa record ng Saudi Arabia ay umabot sa 1,952,817 pilgrims ang nakilahok sa hajj ngayong taon kung saan 1.4 milyon katao sa mga ito ay pawang mga dayuhan. 

Bago ang kumpirmasyon mula sa konsulado ng bansa ay nagpaabot na ang DFA ng pakikiramay nito sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatan ng malagim na aksidente.

Sa ngayon ay ipinag-utos na ni Saudi King Salman bin Abdulaziz Al Saud ang imbestigasyon at pagrebyu sa iba pang ipinatutupad na plano sa ginaganap na hajj.

Maging ang iba’t ibang lider sa buong mundo ay nagpahayag na ng pakikiramay sa mga nasawi at nasaktan sa insidente.

Sa New York kung saan bumibisita ngayon si Pope Francis ay nag-alay ito ng panalangin habang nasa  St. Patrick’s Cathedral doon.-DCR

Advertisements