Reyes brothers ipinatapon na pabalik ng Pilipinas

Former Coron Mayor Mario Reyes (left in orange undershirt) and former Palawan Governor Joel Reyes with Thai Royal Police before their deportation in Manila

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame ang magkapatid na puganteng sina dating Palawan Gov. Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes.

Sakay ng Philippine Airlines flight PR 733 dumating pasado 3:00 ng madaling araw kanina sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ang magkapatid na Reyes kasama ang mga tauhan ng CIDG na nag-escort sa kanila mula sa Bangkok.

Mula sa NAIA ay agad na idiniretso ang magkapatid sa himpilan ng CIDG sa Camp Crame.

Nakatakdang sumailalim sa booking process ng PNP ang magkapatid na Reyes kung saan kukunan sila ng mug shot at fingerprints bago ipiit sa PNP Custodial Center.

Sa press conference na ginawa kaninang umaga sa Camp Crame sa pangunguna ni PNP Chief Dir. Gen. Ricardo Marquez sinabi nito na noon pa sila nakatanggap ng intelligence report na nasa Phuket, Thailand ang magkapatid.

Nabatid din na sa isang resort sa Phuket namalagi ang magkapatid kung saan namuhay ito ng marangya habang nagtatago sa batas.

Nadakip noong Lunes ng Royal Thai Police ang dalawa sa pakikipagtulungan ng CIDG.

Kasama ang dalawa sa most wanted high profile fugitive list ng PNP.

Dahil sa pangyayari ay inaasahan na ibabalik na sa korte ang warrant of arrest ng dalawa upang malaman kung saan ikukulong ang mga ito habang nililitis ang kasong murder kaugnay ng pagpaslang kay Ortega.

Sa panayam naman ng programang Saksi sa Dobol B ng DZBB sa byudang si Gng. Patty Ortega, sinabi nito na natutuwa sila subalit natatakot rin sila matapos mahuli ang nagtagong Reyes brothers.

Aniya, natatakot sila na baka madali sa teknikalidad ang kasong isinampa nila sa mga Reyes kaya nananawagan umano siya kay Justice Sec. Leila De Lima na aksyunan na ang petition for review na kanilang inihain.

Nanawagan din ang byuda ng pinaslang na broadcaster kay Pangulong Benigno Aquino III na huwag sanang mabigyan ng special treatment ang magkapatid na Reyes.-DCR

Advertisements