‘Dakilang Pamamahayag’ ng INC kasado na ngayong araw

INC
Kasado na ang lahat ng preparasyon para sa gaganapin ngayong araw na “Dakilang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos”  ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan.

Hindi pangkaraniwan ang gaganaping pamamahayag na ito ng INC dahil ito ay pangangasiwaan sa unang pagkakataon ng tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia na si Ka Eduardo Manalo.

Magsisimula ito dakong 7:00 mamayang gabi. 

“Inaanyayahan namin ang lahat sa pag-aaral ng Biblia na pangangasiwaan ng kapatid na Eduardo V. Manalo, ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, sa Dakilang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos,”  base sa paanyaya ng INC na iniere sa INC TV. 

Bukod sa Philippine Arena ay mapapanood din ng live via video streaming ang gaganaping aktibidad sa iba’t ibang dako ng INC sa buong mundo.

Kasabay nito ay nagbigay abiso na ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) sa mga motoristang babagtas sa North Luzon Expressway ngayong araw.

Ayon sa kanila asahan na ang pagbigat sa daloy ng trapiko partikular na sa northbound lane ng NLEX dahil sa aktibidad. 

Bagama’t gabi pa ang aktibidad ng ay inaasahan na ang pagdagsa dito ng mga kaanib ng iNC kasama ang kanilang mga panauhin. 

Kailan lang ay nasangkot ang INC sa kontrobersya matapos ang pagtitiwalag nito sa ilang prominenteng miyembro kabilang na ang ina at kapatid ng tagapamahalang pangkalahatan.

Noong nakaraang buwan ay ilang araw naman na nagtipon sa harapan ng Department of Justice at Edsa Shaw Blvd. ang mga kaanib ng INC para iprotesta ay anila’y panggigipit sa kanila ng gobyerno. Sa kabila nito ay natapos naman ng maayos ang protesta matapos mag-usap ang mga kinatawan ng pamahalaan at ng Iglesia.

Sa kabila nito sinabi ni INC Spokesman Edwil Zabala sa panayam ng Rappler, na ang aktibidad ngayong araw ay nagpapakita na tumatalima ang Iglesia sa mga nararapat nitong gawin sa kabila ng mga pagsubok na hinaharap nito.

Ipinakikita nito na ang Iglesia ni Cristo, hindi kami nawawala doon sa focus kung ano talaga ang misyon ng Iglesia bilang relihiyon. Iyon ang ipangaral ang Ebanghelyong nasa Bibliya, ipag-anyaya sa mga tao, ihatid sa kanila ‘yung mensahe ng pag-ibig ng Diyos at ng pagliligtas ng Panginoong Hesukristo.” pahayag pa ni Zabala. -DCR

Advertisements