Bongbong binira si PNoy: Bansa hinati sa halip na pinagkaisa

PNoy and Bongbong

President Benigno Aquino III and Sen. Bongbong Marcos Image from: politics.com.ph

Binira ni Sen. Bongbong Marcos ang liderato ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa kanyang pagdalo sa national convention ng National Unity Party (NUP) sa Sofitel sa Pasay City ngayong araw, tahasang binira ng senador ang umano’y pagkakaroon ng pagkakahati hati sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni PNoy.

Pinuna rin ni Marcos ang aniya’y masyadong pamumulitika ng Pangulo kahit na matagal ng natapos ang halalan.

“Imbes na pinagkakaisa ang ating bansa, ang nangyayari ay pinagwawatak watak at pinag-aaway away tayo. Ang naging problema, hindi na naisasantabi ang pamumulitika. Natapos na ang halalan, namumulitika pa rin,” pahayag ng senador.

Pinuna rin ni Marcos ang aniya’y kakulangan sa proyektong pang imprastruktura ng kasalukuyang administrasyon at sinabing ito ang dapat pagtuunan ng susunod na maluluklok na liderato ng bansa.

“The next government in 2016 will have to make a priority that the infrastructure development that has been left behind by this administration will have to catch up. There are issues fundamental to the progress of our country”. 

Hindi man tahasang sinabi ni Marcos na tatakbo ito para sa mas mataas na posisyon sa 2016 ay hiningi naman nito ang suporta ng partido para sa kanyang plano sa hinaharap.

“And we cannot say in good conscience that we have served the public well if we do not do this, if we do not do this now, if we do not unify the country. That is what I’m setting out for, that is what I’m trying to do. I hope once again as you have been very been kind to me, as you have supported me in the past, I count on your support,” pahayag pa ni Marcos.

Hanggang sa matapos ang kumbensyon ay hindi sinabi ng senador kung anong pwesto ang kanyang tatakbuhan sa darating na halalan. 

TIla nagparamdam naman ito ng sagot matapos sabihin na nag-uusap pa rin sila ng kampo ni Vice President Jejomar Binay para sa posibleng pagtatambal nila sa darating na halalan. 

“Malapit nang maayos ang aming usapan. At the moment that that will be done eh we will announce exactly ano napag-agreehan namin, ano magiging kandidatura ko,”  pahayag pa ni Marcos.

Bukod kina Marcos at Binay ay dumalo din sa okasyon si dating Interior Sec. Mar Roxas. 

Kapwa inilatag ng tatlong personalidad sa mga miyembro ng NUP ang kanilang mga plano. Layon ng kumbensyon na marinig ng mga miyembro ng partido ang plataporma ng mga nais kumandidato at upang makapagdesisyon sila kung sino ang susuportahan sa darating na halalan.-DCR

Advertisements