“Hindi ko alam na pinagtataga si Heneral Luna”- Binay

Binay  Heneral Luna

Original photo of Vice President Jejomar Binay Screenshot from Youtube from “Heneral Luna” movie Portrait painting of Gen. Antonio Luna Original image courtesy of Jejomar Binay Facebook Page

Hindi alam ni Vice President Jejomar Binay na pinagtataga si Heneral Antonio Luna hanggang sa mamatay. 

Ito ang inamin ng bise presidente matapos mapanood ang pelikulang ‘Heneral Luna’. 

“Di ko kasi alam na pinagtataga pala si Luna. I understand na merong sumulat na nakitaan siya ng maraming taga sa katawan.”

Pinuri ng bise presidente ang pelikula at sinabi niyang kakaibang karanasan para sa kanya ang panonood ng Heneral Luna. 

Aniya, hindi tulad sa ibang pelikulang kanyang napapanood, hindi niya tinulugan ang naturang palabas.

“Ang madalas ko masabi, nakakatulog ako sa sine, pero doon talagang di ko natulugan. Talagang pinanood ko ng maigi para maalala ko ang Philippine history,” pahayag pa ni Binay.

Sa kanyang panonood sinabi ni Binay na ipinakita sa pelikula ang pagkakaroon ng masamang kasaysayan sa pagitan ng Amerika at ng Pilipinas at ang pagiging katutubo sa pagiging makabayan ng mga Pilipino.

Ang “Heneral Luna” ay tungkol sa naging buhay ng heneral noong panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano.

Naging malagim ang pagkamatay ng heneral matapos na siya at pagbabarilin at pagtatagain hanggang sa mamatay. 

Base sa mga tala ng kasaysayan, planado ang ginawang pagpaslang sa heneral. 

Noong June 5, 1899 dumating sa Cabanatuan, Nueva Ecija si Luna matapos makatanggap ng telegrama na ipinatatawag siya doon ni dating pangulong Emilio Aguinaldo.

Sa hindi malamang dahilan ay hindi nadatnan ng heneral ang dating pangulo at ang nakita lamang ay ang mga kawal at si Felipe Buenacamino na noong ay kalihim ng Ugnayang Panlabas kung saan dati na niya itong nakaalitan.

Habang nag-uusap ang dalawa at nagtatalo matapos malaman ni Luna na umalis na ang pangulo ay nakarinig sila ng isang putok ng baril. 

Dahil dito ay agad na bumaba ang heneral at nakita ang isang kawal na siyang tumaga sa kanya bago siya pinagbabaril ng ilan pang mga sundalo mula sa Kawit na pinaniniwalaang tauhan ni Aguinaldo.-DCR

Advertisements