Roxas nanawagan sa NUP: ‘Daang Matuwid’ patuloy ninyong suportahan

Mar Roxas

Liberal Party standard bearer Mar RoxasImage courtesy of Mar Roxas Facebook Page

Patuloy na suporta sa ‘Daang Matuwid’ na sinimulan ni Pangulong Benigno Aquino III. 

Ito ang hiniling ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas kasabay ng pagdalo nito kahapon sa National Unity Party (NUP) national convention sa Pasay City.

Dumalo si Roxas sa pagtitipon kasama ng iba pang personalidad na matunog na tatakbo bilang pangulo ng bansa sa 2016 tulad nina Sen. Bongbong Marcos at Vice President Jejomar Binay.

Layon ng NUP na marinig ang plataporma at plano ng mga naghahangad na maluklok sa Malacañang sa susunod na taon upang makapagdesisyon ang mga miyembro nito kung sino ang dapat suportahan ng partido.

“Nagpapasalamat ako na nandito pa rin kayo at sa kahit anong paraan ay pinapahiwatig ninyo, pinaparamdam ninyo na ‘ano kaya ang sasabihin ni Mar at baka doon kami nakumbinse sa kung saan kami papanig sa darating na halalan,’” pahayag ni Roxas.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga miyembro ng NUP tahasan nang hiniling ni Roxas ang suporta ng mga ito para sa kanyang kandidatura sa pagka pangulo.

“This is not just about power. This is not just about ego. This is not just about kung sino ang hari-hari. This is also about our dream, our hopes na alam kong nasasapuso ng bawat isang lingkod bayan dito sa convention ninyong ito.”

“Kaya pakiusap po namin. Sama-sama, tulong-tulong po tayo. Ipagpatuloy natin ang ating magandang nasimulan na, ipagpatuloy po natin ang DM (Daang Matuwid) na kinabahagian po ninyo nitong nakaraang limang taon. Patibayin natin, palawakin natin, nang maging kaginha-ginhawa ang ating pagserbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag pa ni Roxas.

Inisa-isa rin  ni Roxas ang mga nagawa niya at ng administrasyong Aquino sa halos na anim na taon ng paglilingkod sa bansa.

Kabilang sa mga ipinagmalaki ng dating kalihim ng Interior and Local Government ay ang tagumpay na nakamit sa pamamagitan ng paglulunsad nila sa administrasyong Aquino ng mas pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program at pagbibigay ng mas mataas na badyet para sa kalusugan sa pamamagitan ng Department of Health.

Ipinaalala din ni Roxas sa mga miyembro ng NUP na hindi nila tinignan ang kulay at partidong kinabibilangan ng isang kandidato sa panahon ng pamamahala ni PNoy.

“Alam n’yo po na hindi inagrabyado, hindi ni-raid ang NUP nitong nakaraang limang taon ni President Aquino. Lahat nagkaroon ng bottom up budgeting project, hindi tinanong kung anong kulay ng chaleco o kung nanalo ba si Noynoy o Mar sa lugar n’yo.”

“Pantay pantay ang pagtingin sa lahat ng bayan ay respeto sa mga partido. ‘Yan ang tatak ng Daang Matuwid,” pahayag pa ni Roxas. 

Ang partido ay pinamumunuan nina Bataan Governor Albert Garcia habang si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang vice president at tagapangulo si Antipolo Rep. Roberto Puno.-DCR

Advertisements