Palparan tatakbong senador sa 2016

Palaparan

Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan Image courtesy of Inquirer

Nais muling tangkain ni Ret. Gen. Jovito Palparan na tumakbo para maging senador sa darating na May 2016 election.

Ngayong araw ay idineklara ng retiradong heneral ang pagnanais niyang sumali sa senatorial race sa susunod na taon.

Kasabay nito ay naghain ng petisyon sa Bulacan Regional Trial Branch 15 ang kampo ni Palparan na humihiling na mapayagan itong makalabas ng kulungan para sa validation ng kanyang voter’s registration sa Commission on Elections.

Dahil dito ay pinaghahain na ng komento ni Judge Alexander Tamayo ang prosekusyon sa loob ng limang araw.

Sa kanyang petisyon ay ipinaalala ni Palparan na hindi pa siya nahahatulan kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya kung kaya ang kanyang civil at political rights ay nananatili pa rin.

Si Palparan ay naaresto sa Maynila noong August 12, 2014 makaraan ang halos tatlong taon na pagtatago nito. 

Sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Armed Forces of the Philippines ay naitalaga ito sa  Mindoro, Samar at Gitnang Luzon.

Sa naturang mga assignment ay naging maugong ang kanyang pangalan lalo na nang siya ay maging commanding general 7th infantry division ng Philippine Army sa pagitan ng 2005 hanggang 2006.

Sa mga panahon ding ito ipinatupad ng AFP ang kanilang anti-insurgency campaign na tinawag nilang Oplan Bantay Laya. 

Bago madakip ay may patong sa ulo na P2M ang heneral. 

Ang balitang pagtakbo ni Palparan ay napasabay naman sa deklarasyon din ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ng kanyang pormal na deklarasyon para sa pagtakbo niya bilang senador sa 2016.

Matatandaan na ang Bayan Muna kasama ang iba pang progresibong organisasyon ay inaakusahan si Palparan na siyang responsable sa pagkawala at pag-tortyur sa mga UP student na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006.

Noong May 2010 election ay tinangka rin ni Palparan na tumakbo subalit siya ay natalo.-DCR

Advertisements