Pinas hindi makakabawi sa 2022 kung hindi si Roxas ang mananalo sa 2016- PNoy

PNoy and Mar

President Benigno Aquino III endorsed former Interior Sec. Mar Roxas as the Liberal Party presidential candidate for 2016 national and local election Photo from Malacañang Photo Bureau

Masasayang lamang ang lahat ng programang ipinatupad at inilatag sa ilalim ng ‘Daang Matuwid’ kung hindi si Liberal Party standard bearer Mar Roxas ang mananalong pangulo sa darating na halalan. 

Ito ang naging sentro ng talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas noong Lunes.

Sa naturang okasyon hindi man direktang binanggit ng Pangulo ang pangalan ni Roxas ay ipinaalala nito sa mga dumalo kung bakit importanteng maipagpatuloy ang Daang Matuwid. 

“Di ko na ho kailangang sabihin sa inyo kung sino ang kandidatong papanigan ko. Ang boto ko, doon sa siguradong itutuloy ang Daang Matuwid.”

Ayon kay PNoy. posibleng hindi na makabawi ang bansa sa 2022 kung hindi si Roxas ang magtutuloy ng kanyang mga nasimulan. 

Sa ngayon bukod kay Roxas ay sina Vice President Jejomar Binay at Sen. Grace Poe pa lamang ang pormal na nagdedeklara ng kanilang intensyong tumakbo para sa pagka pangulo ng bansa sa 2016. 

“Mga kasama, tulad ng anumang importanteng bagay, sa tingin ko, hindi puwedeng pabayaan na lang natin ang lahat ng ating pinagsumikapan. Kung gusto pa nating marating ang mas matatayog na pangarap, kailangan nating isulong ang Daang Matuwid. Idiin ko lang: Sa susunod na eleksiyon, di lang anim na taon ang nakataya, kundi ang mismong buhay at kinabukasan ng bawat Pilipino. Kung lilihis nga po tayo sa tuwid at talagang subok sa 2016, walang nakakatiyak na makakabawi pa tayo pagdating ng 2022,” pahayag ng Pangulo. 

Sa naturang okasyon ay hindi rin naiwasan ni PNoy na muling pasaringan ang nakaraang administrasyon ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. 

“Tandaan lang po natin: Sa panahon ng ating sinundan, halos isang dekada tayong lahat napabayaan. Ang sabi nga po ng isang kaibigan ko, “Di ko mapapatawad ang nauna sa iyo, dahil sa halos sampung taon ng buhay ko na puwede namang umasenso ay nawala sa ilalim ng kanyang panunungkulan.” At maliwanag naman na ang nawala, hindi na natin magagawang mabawi. Wala na po ang sampung taong ‘yan.”

“Ang akin po: ‘Pag binalikan natin ang samot-saring suliraning iniwan sa atin noong taong 2010; ‘pag inisip nating minsang namayani ang kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw sa ating pamahalaan kung saan nawalan na ng pag-asa ang ating mga kababayan; at kapag ikinumpara natin ito kung nasaan tayo ngayon at kung saan pa tayo tutungo, sa tingin ko po, nagiging sulit ang lahat ng sakripisyo, pang-aalipusta, at kritisismo,” pahayag pa ng Pangulo. 

Ngayong araw naman ay nakatakdang gawin ng Liberal Party ang kanilang national executive council meeting.

Sa panayam sa programang Umagang Kay Ganda kay Senate President Franklin Drilon ngayong umaga sinabi nito na sa ngayon ay may 15 pangalan sila sa listahan para pagpilian sa pagka-senador. 

Aniya, may proseso sila sa partido para sa nominasyon ng mga pangalan na bubuo ng kanilang 12 senatorial slate.

Malamang rin umano na si Rep. Leni Robredo na ang kanilang maging kandidato para sa pagka bise presidente.

Inaasahan na sa Lunes Oktubre 5 ay pormal ng ia-anunsyo ng Liberal Party ang kanilang mga kandidato para sa halalan 2016.-DCR

Advertisements