Sexy dancers ‘surprise gift’ ni Tolentino sa Liberal Party oath taking sa Laguna

Bumulaga sa mga dumalo ng isang event ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna ang mga ‘sexy dancer’  mula sa grupong Playgirls. 

Base sa mga impormasyon mula sa larawang kuha ng Philippine Daily Inquirer, ang naturang mga sexy dancer ay “surprise gift” umano ayon sa emcee ng programa mula kay MMDA Chairman Francis Tolentino para sa mga nagsidalo sa naturang okasyon.

Karamihan sa mga dumalo ay pawang mga lokal na opisyal ng Laguna habang 80 LGU official ang nanumpa ng katapatan sa Liberal Party. 

Ang programa ay kasabay ng pagdiriwang ngayong araw ni Laguna Rep. Benjie Agarao ng kanyang kaarawan.

Dumalo rin sa naturang okasyon si Nacionalista Party member at Laguna Gov. Ramil Hernandez. 

Nangako si Hernandez na ikakampanya nito at sisiguruhin na makakalikom ng boto sa kanilang lalawigan ang mga pambato ng Liberal Party partikular na si Roxas.

Agad na umani ng batikos ang naturang mga larawan matapos ilagay ng Inquirer sa kanilang Facebook page.

Si Tolentino ay una ng nagpahayag ng kanyang intensyon na tumakbo bilang senador sa ilalim ng Liberal Party.-DCR

Advertisements