Exploitation ng kababaihan itinataguyod ng Liberal Party- Gabriela

LP

Galit na binabatikos ngayon ng grupong Gabriela ang ginawang paggamit sa grupong Playgirls para sumayaw matapos ang oath taking event ng Liberal Party sa Laguna kahapon.

Ayon sa pahayag ni Gabriela Partylist Rep. Emmie de Jesus nakakagalit ang ginawang ito ng mga miyembro ng Liberal Party. 

“Nakakagalit ang ginawang paggamit ng katawan ng kababaihan sa politikal na pagtitipon ng Partido ni Pangulong Aquino. ‘Di pa man nagsisimula ang opisyal na kampanya, itinataguyod na nito ang estilo ng pang-aabuso sa kababaihan,” galit na pahayag pa ng kongresista. 

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang malaswang performance ng grupong Playgirls kung saan kasama nila dito ang ilang miyembro ng Liberal Party sa Laguna.

Ang insidente ay naganap matapos ang oath taking kahapon ng mga LGU members mula sa iba’t ibang lugar sa Laguna na pinangunahan ni LP presidential bet Mar Roxas. Bukod kay Roxas ay dumalo rin sa okasyon si senatorial bet at MMDA Chairman Francis Tolentino at ang birthday celebrant na si Cong. Benjie Agarao.

Kasabay nito ay kinundena ng Gabriela ang pangyayari. 

Ayon sa grupo sa kabila ng pagtanggi ni Tolentino na “surprise gift” nya sa mga dumalo sa okasyon ang presensya ng Playgirls ay nananatili pa rin ang katotohanan na hindi nadismaya sa insidente ang opisyal at wala rin itong ginawa para itigil ang insidente lalo na sa parte na nagiging malaswa na ang pagtatanghal ng grupo.

“Tolentino and his LP cohorts committed an act most offensive to women and insulting to the public,” pahayag pa ni Gabriela Secretary General Joms Salvador. 

Dagdag pa ni Salvador, kung ang mga ganitong uri ng pulitiko ang tatakbo sa susunod na halalan, hindi dapat payagan ng publiko na magwagi ang mga ito alang-alang sa kapakanan ng kababaihan ng bansa.-DCR

Advertisements