Kalaswaan bawal sa Liberal Party- Mar Roxas

Walang puwang ang kalaswaan at pagsasamantala sa kababaihan sa ilalim ng Liberal Party (LP). 

Ito ang pahayag ni LP standard bearer Mar Roxas matapos ang kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng partido makaraang ang naganap na oath taking kahapon sa Laguna. 

Kumalat kahapon ang video at mga larawan ng mga sexy dancers mula sa grupong Playgirls na sumasayaw ng malaswa kasama ang ilang miyembro ng Liberal Party sa stage.

Ang insidente ay nangyari matapos ang oath taking ng mga bagong miyembro ng LP sa Laguna na isinabay na rin sa pagdiriwang ng birthday ni Rep. Benjamin Agarao.

Una ng napabalita na “suprise gift” umano ni LP senatorial bet at MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagdating ng mga miyembro ng Playgirls sa okasyon. 

Dumalo si Roxas sa naturang pagtitipon subalit nilinaw nito na wala na siya sa lugar kung saan naganap ang sayawan ng maganap ang performance ng Playgirls. 

“Nakarating po sa atin ang ulat ukol sa pagtatanghal ng isang grupo ng mga kabababihan sa isang pagtitipon sa Laguna. Pilit pong ikinakabit ng ilang grupo ang ating pangalan sa performance na ito, kahit pa ba nasa ibang bahagi ako ng compound, hindi kasama sa audience, at walang sight lines sa nangyayari. Hindi ko nasaksihan ang performance,” pahayag ni Roxas.

Kasabay nito sinabi rin ng pambato ng LP sa 2016 election na ipinagbabawal nila sa kanilang partido ang ganitong uri ng pagsasamantala sa mga kababaihan.

“Lilinawin ko po,  mariin kong ipinagbabawal sa anumang aspekto ng ating kampanya ang ganitong uri ng pagsasamantala sa kababaihan.”

“Naniniwala akong may sapat na talino ang publiko upang tumutok sa makabuluhang diskurso ukol sa mga isyu at pagkatao ng mga kandidato. I remind those who stand with us on the Daang Matuwid: Iwaksi natin ang ganitong klaseng mga gimik, lalo pa’t nakakabastos ito, at walang naitutulong sa pagtataas ng antas ng pampublikong diskurso.” pahayag pa ni Roxas. 

Dahil sa dito ay tiniyak ni Roxas na magsasagawa ng imbestigasyon ang kanilang partido para malaman ang katotohanan sa likod ng malaswang palabas matapos ang kanilang oath taking.-DCR

Advertisements