Tambalang Ro-Ro: Leni Robredo tatakbong bise presidente sa 2016

PNoy Robredo Roxas

LP presidential candidate Mar Roxas, President Benigno Aquino and LP vice presidential bet Leni Robredo Photo from PNoy Facebook Page

Pormal nang tinanggap ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang pagpili sa kanya ng Liberal Party bilang running mate ni LP standard bearer Mar Roxas. 

Ang tambalang Ro-Ro o Roxas-Robredo ay pormal na inendorso ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong umaga kasama ang mga miyembro ng LP sa isang pagtitipon sa Club Filipino sa San Juan City.

“Matapos ang malalim na pag-iisip, malawak na konsultasyon at mataimtim na pagdadasal, buong puso, buong pananampalataya at buong tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Secretary Mar Roxas.”

Ito ang emosyonal na pahayag ni Robredo matapos tuluyang tanggapin ang pag-endorso sa kanya ng partido ngayong umaga. 

Bago nito ay sinariwa muna ng kongresista ang kanyang naging buhay bago at nang mamatay ang kanyang kabiyak na si dating Interior Sec. Jesse Robredo.

Ayon kay Leni, hindi naging madali ang kanyang ginawang desisyon pati na ng kanyang mga anak bago narating ang araw na ito. 

Sa kabuuan ng kanyang talumpati siniguro ng kongresista mula sa Camarines Sur na magiging una sa kanyang mga prayoridad kapag nanalong bise presidente ang mga mahihirap.

“Ibinibigay ko po ang aking sarili nang buong-buo sa ating mga kababayan, lalong lalo na sa inyong mga nakatsinelas na nasa labas, nasa ibaba at nasa laylayan ng lipunan,” pahayag pa ni Leni. 

Sa kanya namang talumpati ngayong araw ay nagpasalamat ang Pangulo sa pagtanggap ni Leni sa hamong paglingkuran ang sambayan sa pamamagitan ng mas mataas na antas ng paglilingkod. 

Buong kumpiyansa rin inihayag ni PNoy na kumpiyansa ito na ipagpapatuloy ng tambalang Roxas-Robredo ang mga nasimulan ng kanyang administrasyon.

“Ngayon, meron tayong Mar, may Leni pa na siguradong magpapatuloy ng Daang Matuwid, kumpiyansa ako na lalo pa nilang pabibilisin ang ating paghakbang. Mahirap mang isipin, nasisiguro kong sa tibay ng paniniwala ko sa dalawang ito at sa koalisyon natin, di-hamak na magiging mas masigasig pa ako sa kampanyang ito kaysa sa sarili kong kampanya noong 2010,” pahayag pa ng Pangulo.

Binantaan din ni PNoy ang lahat ng posibleng manira laban kay Leni at sa mga anak nito ngayong nakapagdeklara na ng kanyang kandidatura ang kongresista. Ayon sa Pangulo, magiging personalan na ang labanan kung hahantong na mapapahirapan pati ang mga anak ng mag-asawang Robredo dahil sa desisyon ng kanilang ina na tumakbo. 

Inihayag rin ni PNoy na sa Biyernes na nakatakdang ilabas ng Liberal Party ang buong listahan ng kanilang mga mamanukin bilang senador. 

“Ngayon, naipakilala na natin sa sambayanan ang mga pambato ng Daang Matuwid. Sa Biyernes, kapag inihain na natin sa ating mga Boss ang ating senatorial slate, lalo pang magiging malinaw: Habang hirap na hirap ang iba na magtagpi-tagpi ng koalisyon, buong-buo naman ang ating puwersa,” pahayag pa ng Pangulo.-DCR

Advertisements