Bongbong Marcos, kakandidatong bise presidente sa 2016

Marcos

Sen. Bongbong Marcos (in red) in an event with the youth. Photo from Bongbong Marcos Facebook

Nagdesisyon na si Sen. Bongbong Marcos na tatakbo ito bilang bise presidente sa darating na halalan sa Mayo 2016.

Sa kanyang deklarasyon sinabi ng senador na lahat ng mga balitang lumalabas tungkol sa kanyang posibleng makatambal ay pawang mga espekulasyon lamang.

Walang sinabi si Marcos kung sino ang posible nitong maka-tandem sa darating na halalan o kung tatakbo kahit na walang kasamang running mate.

Nilinaw din ni Marcos na inialok sa kanya ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na maging running mate nito subalit may mga bagay na pampulitika umano silang hindi napagkasunduan kung kaya hindi ito natuloy.

“Regarding Vice President Jejomar Binay, I was invited to be his Vice-Presidential candidate. There were initial talks between our supporters. But any team up with the Vice President must be rooted on a shared vision for our country, a common platform of government as well as political perspectives. Unfortunately it would be difficult for me to tame our political differences,” pahayag pa ng senador. 

Sa kabila nito inihayag naman ni Marcos ang kanyang pagsuporta kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte sakaling makapagdesisyon ito na tumakbo bilang pangulo.

Ayon kay Marcos, sinigurado ni Duterte ang suporta nito sa kanyang kandidatura.

Sinabi rin ng senador na ipinauubaya na niya sa sambayanang Pilipino ang kanyang kapalaran sa pulitika. Aniya, hinihingi niya sa sambayanan na sila na ang humatol kung karapat dapat ba siya sa tiwala ng mga ito upang maging ikalawang pangulo.

Ayon kay Marcos, naniniwala siya na obligasyon ng mga nahalal na opisyal ng bansa na tumulong kasama ng sambayanan na baguhin ang direksyong tinatahak ng bansa.

Ito ay sa pamamagitan umano ng pag-alis sa tinawag niyang politics of personality na siyang dahilan umano ng kahirapan at korupsyon. 

Sa kasalukuyan ay may 26 na taon na sa pulitika si Marcos.

Nagsimula ito bilang bise gobernador ng Ilocos Sur bago naging gobernador. 

Makaraan ang kanyang termino ay nanilbihan ito bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng nasabing lalawigan bago nahalal na senador.-DCR

Advertisements