PNoy tinawag ang mga kritiko na ‘makakapal ang mukha’

PNoy

Tinawag ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mga kritiko partikular ang mga politikong mahilig makisakay sa tagumpay ng kanyang administrasyon na makakapal ang mukha. 

Ginawa ito ng Pangulo kasabay ng kanyang pag-endorso kahapon sa tambalan nina dating Interior Sec. Mar Roxas at Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang mga pambato ng Liberal Party sa 2016 election.

“Pati ang mga bumabatikos sa traffic, kapag ininuaguarate na po nila ang Skyway Stage 3 at iba pang proyektong pinagagawa natin mantakin mo kung sila ang maka-tsamba at ininaugurate nila doon siguro nakahanda na ngayon pa lang ang kanilang marker na nagsasabing sila ang nagpatayo noon, sila ang susi sa paglutas ng trapiko, at sila rin ang pinakamakapal ang mukha,” pahayag pa ng Pangulo.

Sa pinakahuling survey base sa Global Driver Satisfaction Index na ginawa ng navigation app Waze ay minarkahan nito ang Metro Manila bilang ““worst traffic on Earth”.

Umaabot sa 50M katao na gumagamit ng Waze sa halos 32 bansa ang lumahok sa survey. 

Pinanapili ang mga ito ng lugar at sinabihan na bigyan ng 10 ang sa tingin nila ay may pinakamaayos na daloy ng trapiko habang 1 naman para sa may pinakamatinding daloy. 

Nakakuha ang Pilipinas ng marking 0.4 na sinundan ng mga bansang  Guatemala, Venezuela, El Salvador, Ecuador, Colombia, Indonesia, Romania, Costa Rica, at Panama. 

Lumabas din sa survey na umaabot sa 45.5 minuto ang average time ng pag-commute sa Metro Manila dahilan para ito ang maging pinakamatagal sa lahat ng lugar na kasama sa survey.

Matatandaan nitong nakaraang Setyembre lamang ay itinalaga na sa kahabaan ng Edsa ang mga miyembro ng PNP-Highway Patrol Group para magmando sa daloy ng trapiko bukod pa sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority na permanente nang nakatalaga rito.-DCR

Advertisements