DAHIL SA ‘PLAYGIRLS’ SCANDAL: Tolentino hiniling sa LP na huwag na siyang isama sa senatorial slate

Francis Tolentino

MMDA Chairman Francis Tolentino (in checkered polo) during an earthquake drill Image from: Francis Tolentino Facebook Page

Tila inaabandona na ni Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino ang pagnanais na mapasama sa senatorial lineup ng Liberal Party.

Ito ay matapos hilingin mismo ngayong araw ni Tolentino sa partido na huwag na siyang ikonsidera pa na maisama sa kanilang senatorial slate para sa darating na May 2016 National and Local Election.

Ipinapaabot ko sa Partido Liberal na alisin na ang pangalan ko sa kino-consider nilang lineup sa pagka-senador sa 2016,” pahayag ni Tolentino.

Ginawa ng opisyal ang pahayag bago ang nakatakdang pagdedeklara ng Liberal Party ng kanilang mga pambatong senador sa Biyernes Oktubre 9.

Ang pahayag ng opisyal ay nag-ugat dahil sa pagkakadawit nito sa malaswang performance ng grupong “Playgirls” matapos ang oath taking ng mga miyembro ng Liberal Party sa Laguna.

Kumalat sa social media ang larawan at video ng malaswang pagtatanghal ng ‘Playgirls” sa okasyon na sinasabing “surprise gift” umano ni Tolentino para sa mga nagsidalo.

Bagama’t itinanggi na ni Tolentino ang paratang ay humingi na ng paumanhin ngayong umaga ang opisyal sa nangyari.

Aniya, maraming nadismayang kababaihan sa nabanggit na usapin kasama na ang kanyang ina.

Humingi ito ng paumanhin sa lahat dahil hindi umano niya pinigilan ang palabas sa kabila ng pagiging malaswa na nito.

Naging kamalian ko at tinatanggap ko ang hindi pagpigil doon sa performance ng mananayaw dahil ako ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan sa naturang lugar.” 

Kung na-offend ko po ang grupo ng mga kababaihan, humihingi ulit ako ng paumanhin,” pahayag pa ng opisyal.

Sa kabila nito hindi naman itinaggi o inamin ni Tolentino kung siya nga ba ang nagdala sa grupong “Playgirls” sa pagtitipon. 

Bukod sa mga kritiko ng Liberal Party ay maraming miyembro ng partido ang tila hindi nagustuhan ang kumalat na video at mga larawan na kuha mula sa okasyon.

Nabatid na nagsasagawa na ng sarili nilang imbestigasyon ang Liberal Party para mabatid ang katotohan sa insidente.-DCR

Advertisements