Francis Tolentino nagbitiw na bilang MMDA chairman

MMDA

MMDA Chairman Francis Tolentino Image courtesy of Francis Tolentino Facebook Page

Nagbitiw na sa pagiging pinuno ng Metro Manila Development Authority si Chairman Francis Tolentino. 

Sa pahayag niya ngayong hapon ay nagpasalamat si Tolentino sa lahat ng kawani at opisyal ng ahensya na kayang nakasama sa loob ng higit limang taon.

Si Tolentino ay itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III para pamunuan ang MMDA noong July 27, 2010.

Sa kanyang pagharap sa mga opisyal at kawani ng MMDA at Metro Manila Council ngayong hapon ay nagpasalamat ito sa kanilang suporta sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Binasa rin ni Tolentino sa harapan ng mga empleyado ng MMDA ang resignation letter na kanyang ipadadala sa Malacañang bago niya ito pinirmahan.

Bago nito ay hiniling na kaninang umaga ni Tolentino sa Liberal Party (LP)  na huwag na siyang ikonsidera ng partido sa pagbuo nito ng kanilang senatorial lineup para sa May 2016 election.

Sa Biyernes Oktubre 9 ay nakatakda ng iproklama ng LP ang mga mapapasama sa ticket ng administrasyon para sa susunod na eleksyon.

Ang pahayag kaninang umaga ni Tolentino ay nag-ugat matapos ang  kaliwa’t kanang batikos na kanyang natanggap.

Una nang nadamay ang pangalan ng opisyal  sa malaswang pagsasayaw ng grupong Playgirls matapos ang isang event ng LP sa Laguna noong nakaraang linggo.-DCR

Advertisements