Official Gazette na pinatatakbo ng Malacañang binabatikos ng mga netizen

OG

Screenshot from the Official Gazette Facebook Page

Umaani ngayon ng batikos ang Official Gazette mula sa mga galit na netizen. 

Ito ay simula ng i-post kahapon ng Malacañang sa Facebook Page ng Official Gazette ang mga larawan na kinunan noong Lunes matapos iendorso ni Pangulong Benigno Aquino III ang tambalan nina dating Interior Sec. Mar Roxas at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Ang Official Gazette ay ang opisyal na public journal na kontrolado ng Republika ng Pilipinas.

Dito inilalathala ang mga anunsyo at opisyal na komunikasyon ng gobyerno.

3

2

Sa kasalukuyan ay pinatatakbo ito ng Malacañang sa ilalim ng  Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO). 

Puna ng ilang netizen tila nagiging bias at nagagamit sa maagang pangangampanya ng Liberal Party ang naturang page na dapat sana ay nakalaan lamang para sa mga opisyal na aktibidad ng Pangulo at ng gobyerno.

1

Bago ang pag-upo ng administrasyong Aquino, ang Official Gazette ay iniimprenta lamang sa ilalim ng National Printing Office.

Subalit dahil sa pagkakaroon ng bagong platform tulad ng social media kung kaya minabuti ng gobyerno na gawan ito ng Facebook Page

Ang pagkakaroon ng Official Gazette ay nabuo sa ilalim ng Act No. 453 na pinagtibay ng Philippine Commission noong September 2, 1902.

Ayon sa batas ay ito ang mga dapat maging laman ng Official Gazette:

  1. Lahat ng mahahalagang batas lehislatibo at mga resolusyong pampubliko ng Kongreso ng Pilipinas.
  2. Lahat ng mga kautusan at pamahayag na ehekutibo at administratibo, maliban sa mga walang pangkalahatang bisa;
  3. mga pasya at abstrak ng mga pasya ng Korte Suprema at ng Korte ng mga Pagdulog sang-ayon sa minamahalaga ng mga naturang korte na malathala;
  4. mga dokumento o uri ng dokumento na hinihiling ng batas na malathala; at
  5. mga dokumento o uri ng dokumento na pana-panahong tutukuyin ng Pangulo ng Pilipinas na may pangkalahatang gamit at bisang legal, o pinahihintulutan niyang malathala.

Inilunsad ang naturang Facebook Page noong Disyembre 2010 ilang buwan matapos maluklok sa pwesto ang Pangulo.

Sa kasalukuyan habang isinusulat ang balitang ito ay mayroong 814, 514 likes ang naturang page.-DCR

Advertisements